Tagalog News: Internet sa bawat barangay, paaralan isinusulong ni Gatchalian

Senator Win Gatchalian

LUNGSOD CALOOCAN, Marso 4 (PIA) -- Binigyang-diin ni Senator Win Gatchalian ngayong araw na dapat maabot ng internet ang bawat barangay at mag-aaral upang mawakasan ang “digital divide” sa bansa sa kabila nang pag-akyat ng ranggo ng Pilipinas mula 111 patungong 86 sa Speedtest Global Index ng Ookla,

Dahil karamihan ng mga barangay ay may pampublikong paaralan, iminumungkahi ni Gatchalian ang pagpapatayo ng cell site sa mga paaralang ito upang matiyak na konektado sa internet ang bawat barangay.

Sa isang pandinig sa Senado noong Nobyembre, iniulat ng Department of Education (DepEd) na sa mahigit dalawampu’t dalawang (22) milyong mag-aaral sa mga pampublikong paaralan, halos apat (3.6) na milyon lamang ang konektado sa internet at halos dalawang (1.9) milyon ang may sarili nilang laptop.

Ayon naman kay Project BASS-Bandwidth and Signal Statistics co-founder Wilson Chua, walumpu’t pitong (87) porsyento o mahigit tatlumpung anim na libo (36,607) sa mahigit apatnapung libong (42,055) barangay ang walang sariling cell sites.

Pahayag ng Chairperson ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, may oportunidad ang bansa na mabigyan ng internet ang bawat Pilipino. Ito ay dahil sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act (Republic Act 11494) o Bayanihan 2, suspendido sa loob ng tatlong taon ang ilang mga requirements sa pagpapatayo ng cell towers, maliban sa building permit.

Balak ding maghain ni Gatchalian ng panukalang batas upang bigyan ng internet allowance at libreng laptop ang bawat mag-aaral.

Ayon sa Center for Educational Measurement, halos animnapung (60) porsyento ng mga mag-aaral na lumahok sa 2018 Programme for International Student Assessment (PISA) ang walang access sa mga computer at internet. Dagdag ng grupo, mas mataas na porsyento ng mga mag-aaral na nakakuha ng mababang marka sa PISA ang walang computer o internet sa kanilang mga tahanan.

“Ang pagkakaroon ng internet at laptops sa mga panahong ito ay maitutulad na natin sa pagkakaroon ng sapat na tubig at kuryente. Kung kinakailangan ng bawat tahanan ang tubig at kuryente, kailangan na ring ng bawat mag-aaral ang internet at mga gadgets,” ani Gatchalian.

“Sa ihahain naming panukalang batas, isinusulong natin ang konsepto ng shared responsibility. Lahat tayo ay magkakaroon ng ambag upang maipaabot natin ang internet sa tahanan ng bawat mag-aaral. Malaking halaga ang kailangan natin para rito, ngunit malaki rin ang magiging benepisyo nito dahil kung mai-angat natin ang husay ng ating mga mag-aaral, buong bansa ang makikinabang rito,” pahayag ng senador. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments