Tagalog News: Localized, limited face-to-face classes sa low-risk areas isinulong sa Senado

Senator Win Gatchalian

LUNGSOD CALOOCAN, Marso 3 (PIA) -- Naghain si Senator Win Gatchalian at anim na iba pang senador ng isang resolusyong nananawagan para sa agarang pagsisimula ng pilot test ng localized at limited face-to-face classes sa low-risk areas.

Ito ay upang mapigilan umano ang pinsalang dulot ng pagsasara ng mga paaralan sa kalusugan, pagkatuto, at kapakanan ng mga mag-aaral,

Sa ilalim ng Senate Resolution No. 668, inirerekomenda na ang naturang pilot testing ay magsimula sa mahigit isang libong (1,065) pampublikong paaralang mapipili ng Department of Education (DepEd) sa risk assessment nito.

Ayon din sa naturang resolusyon, ang mga isasagawang pilot test ay dapat maging mahigpit sa pagpapatupad ng mga health protocols at iba pang hakbang upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.

Ayon sa resolusyon, ang mga pilot test ay makakalikom ng mga ebidensya at karanasan upang magabayan ang ligtas na pagbubukas ng mga paaralan.

Kasama sa mga may akda ng resolusyon sina Senador Maria Lourdes “Nancy” Binay, Francis “Kiko” Pangilinan, Grace Poe, Pia Cayetano, Joel Villanueva, at Sonny Angara.

Kasunod ng mga pag-aaral sa ibang bansang ipinapakitang hindi nagmumula sa paaralan ang pagdami ng mga kaso ng COVID-19, binigyang-diin ni Gatchalian ang kahalagahan ng paglikom ng karanasan sa mga bansang ito upang matugunan ang pangamba ng mga mag-aaral, mga magulang, at ng buong sektor ng edukasyon. Sa isang pag-aaral ng halos dalawang-daang bansa (191), walang kaugnayang nakita sa pagitan ng kalagayan ng mga paaralan at bilang ng mga kaso sa komunidad.

Dati nang sinabi ng Centers for Disease Control and Prevention (CDC) ng Estados Unidos na maaari nang magbukas ang mga paaralan para sa face-to-face classes. Ngunit kinakailangan ng istriktong pagpapatupad ng mga hakbang tulad ng pagsusuot ng face masks, physical distancing, at pagkakaroon ng mga silid-aralang may maayos na bentilasyon.

Sa kabila ng pagpapatupad ng distance learning habang hindi pa pinapayagan ang pagkakaroon ng face-to-face classes, marami pa ring mga hamong kinakaharap ang kalidad ng edukasyon sa gitna ng pandemya. Kabilang sa mga hamong ito ang kakulangan sa kahandaan ng mga guro, mag-aaral, at mga magulang. Naging hamon din ang kakulangan ng gadgets at internet connection para sa mga nangangailangang mga mag-aaral.

Patuoy ding isinulong ng mga senador ang pagbibigay prayoridad sa mga guro sa pagpapatupad ng COVID-19 vaccination roll-out.

“Ang ligtas na pagbabalik-eskewela ng ating 26 milyong mag-aaral ay dapat gabayan ng syensya upang pawiin ang pangamba ng ating mga mamamayan sa muling pagbubukas ng mga paaralan. Kaya natin isinusulong ang pilot tests ng limited at localized face-to-face classes ay upang magkaroon tayo ng karanasan at kaalaman kung paano titiyakin ang kaligtasan ng ating mga mag-aaral at mga guro,” pahayag ng Chairperson ng Senate Committee on Basic Education Arts and Culture.

Pilipinas na lamang ang nag-iisang bansa sa rehiyong East Asia at Pacific na hindi nagbubukas ng mga paaralan simula noong ipatupad ang lockdown noong Marso 2020, ayon sa United Nations Children’s Fund (UNICEF). (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments