LUNGSOD NG CALAMBA, Laguna, Marso 12 (PIA) - Solusyon na maituturing ang pagkakaroon ng tamang impormasyon ukol sa bakuna upang madagdagan ang bilang ng mga boluntaryong medical frontliner na makiisa sa malawakang pagbabakuna kontra COVID-19.
Iyan ay batay sa naging pahayag ni Infection Prevention and Control Committee (IPCC) Head Dr. Jade Javier mula sa Batangas Medical Center sa naganap na vaccination rollout nitong Lunes, ika-8 ng Marso.
“Marami tayong mga tanong tungkol sa mga vaccines pero the first thing to do is get the right information. Hindi kailangan matakot kung alam mo ang mga bakuna, kilala mo ang mga bakuna at dapat tama rin ang nakukuha mong info,” ani Javier.
Sinabi rin ng doktor na dumaan sila sa assessment at pinag-aralan ang bakuna kaya naman mabilis na rin nilang natanggap ang kaloob na bakuna ng pamahalaang nasyunal sa naturang hospital upang magkaroon ng dagdag proteksiyon sa nakahahawang sakit.
Ayon naman kay BatMC Chief of Hospital, Dr. Romancito C. Magnaye, walang dapat ikatakot sa bakuna partikular sa Sinovac vaccine sapagkat ligtas ang mga ito, gawa sa tradisyunal na paraan at dumaan sa masusing pag-aaral.
Gayunpaman, kung may nais na ibang klase ng bakuna ang mga healthcare worker mula sa kanilang pasilidad ay kanila itong igagalang.
“Kung maghihintay kayo ng ibang bakuna ay iginagalang po namin ‘yon pero kung mas maaga kayo mabakunahan, mas maagap ang proteksiyon dito sa ating matagal nang kinakalaban na COVID-19,” mensahe ni Magnaye.
Samantala, tinatayang 300 indibidwal ang naturukan sa unang yugto ng malawakang pagbabakuna sa Batangas Medical Center na isa sa COVID-19 Facility na nangangalaga sa mga positibong pasyente.
Patuloy naman ang ginagawang pagsuporta at pag-iikot ng Department of Health Calabarzon sa mga hospital na nagsasagawa na kanilang simulation pati na rin ang official vaccination rollout upang masiguro na nasusunod ang mga itinalagang patnubay para sa bakuna. (CO/PIA4A)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

0 Comments