Tagalog News: 54 na kawani ng Kapitolyo ng Batangas, nagpositibo sa COVID-19

LUNGSOD NG BATANGAS, Abril 5 (PIA) --Umabot na sa kabuuang 54 na mga empleyado ng pamahalaang panlalawigan ng Batangas ang nag-positibo sa COVID-19 ayon sa datos ng Provincial Health Office (PHO).
 
Pinakamaraming tinamaan ng virus ang Provincial Treasurer’s Office, kung saan galing ang mga empleyadong may tungkulin sa pamamahagi ng mga financial assistance, tulad ng educational, medical, burial, at iba pang tulong.
 
Karamihan ng mga opisinang may mataas na bilang ng COVID cases ay nasa frontline services sa Kapitolyo, kabilang ang Provincial Assistance for Community Development Office, Provincial Accounting Office, Provincial Veterinary Office, at Lobo District Hospital.
 
Ayon sa Office of the Provincial Governor, ipinatutupad sa bawat tanggapan ng Kapitolyo ang pagsunod sa lahat ng health protocols kontra sa new corona virus, kabilang ang pagsusuot ng face masks at face shields, 30% - 50% work force kada tanggapan, hindi pagpapapasok ng mga bisita sa mga opisina, at physical distancing.
 
Kung kaya’t muling binibigyang-diin ang ibayong pag-iingat ng mga kawani ng pamahalaang panlalawigan, bunsod ng nangyaring mataas na infection rate, sa harap ng patuloy na pagganap sa tungkulin ng mga ito.
 
Kaugnay nito, tuloy pa rin ang nakatakdang pamamahagi sa susunod na linggo ng honorarium ng mga barangay volunteer workers at ayuda sa mga pamilyang wala sa talaan ng nagkaroon ng COVID-19 case at contact tracing. Ang mga nasabing financial assistance ay tatanggapin ng mga pangulo ng Barangay Health Workers ng iba’t ibang bayan sa lalawigan.
 
Samantala, sa nakaraang sesyon ng Sangguniang Panlalawigan, sinabi ni Vice Governor Mark Leviste na “drastically infected” ang mga tanggapang ito kung saan marami ang nagpositibong sa naturang virus.
 
Pinayuhan ni Leviste ang lahat na mag-ingat lalo na ang mg akapwa mambabatas na palagiang humaharap sa publiko gayundin ang mga kawani ng SP at maging ang mga bibisita sa kanilang tanggapan na mahigpit na sundin ang minimum health standards at magsuot ng jacket o mahahabang manggas bilang karagdagang proteksyon sa sarili.(Bhaby P. De Castro-PIA Batangas/PIO Province)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments