Tagalog News: Daan-daang residente nakinabang sa community pantry ng militar sa

LUNGSOD NG COTABATO, Abril 28 (PIA)-- Daan-daang residente dito sa lungsod ang nakatanggap ng ayuda matapos ilunsad kamakailan ng 6th Civil-Military Operations ‘Kasangga’ (6CMO) Battalion ng 6th Infantry ‘Kampilan’ Division (6ID), Philippine Army ang community pantry nito.

Layunin ng nasabing aktibidad na matulungan ang mga nangangailangang residente sa lungsod na naapektuhan ng pandemya na dulot ng coronavirus disease 2019 o COVID-19.

Ayon kay 6ID Spokesperson at 6CMO Battalion Commander Lt. Col. John Paul Baldomar, konsepto ng nasabing inisiyatiba ang pakikipagtulungan ng tropa sa mga stakeholder at indibidwal na gustong tumulong at makapagbigay ayon sa kanilang kakayahan.

Sa unang araw ng nasabing aktibdad ay naserbisyuhan ng tropa ang humigit-kumulang 200 mga residente sa lungsod.

Dagdag pa rito, sinimulan na rin ng tropa ang pag-iikot sa mga barangay sa lungsod upang makapaghatid ng tulong sa mga residente.

Ilang mga institusyon na din ang napuntahan ng 6CMO Battalion katuwang ang Office of the Member of Parliament Dr. Susana Anayatin. Kabilang dito ang Madrasah Baraka Orphanage sa Barangay Malagapas, Bahay Maria sa Poblacion 2, Markadz Al-Arfadz Orphanage sa Kalanganan, at marami pang iba.

Samantala, nanawagan naman ang 6CMO Battalion sa mga indibidwal na nagnanais magpaabot ng tulong na tumungo lamang sa tanggapan ng 6CMO sa PC Hill, Rosary Heights 1.

Siniguro ni Baldomar na lahat ng mga donasyon ay mapupunta sa mga nangangailangang residente sa lungsod. (LTBolongon-PIA Cotabato City)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments