LUNGSOD PASIG, Abril 15 (PIA) -- Pinaiimbestigahan na ni Marikina City Mayor Marcy Teodoro ang mga mali-mali at kulang na listahan ng mga benepisyaryo ng ayuda para sa mga taga-lungsod na naapektuhan ng enhanced community quarantine (ECQ).
Ayon sa Marikina Public Information Office (PIO), maaaring dumulog sa tanggapan ni Mayor Marcy ang mga wala sa listahan ngunit nararapat at pasok sa criteria na makakuha ng ayuda upang mai-apela ng punong lungsod sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Paalala rin na kung mali o kulang ang natanggap na ayuda ay magtungo sa grievance desk na matatagpuan sa loob ng mga payout venues mag-file ng kumpletong reklamo. Ang mga ito ay gagamitin upang maibigay ng tama ang halaga ng financial assistance na dapat natanggap base sa totoong bilang ng inyong benepisyaryo.
Gayundin, pakiusap ni Mayor Marcy sa mga taga lungsod na huwag magalit sa mga kaherang naka-assign sa payout dahil aniya, hindi ang mga kahera ang naglalagay ng halaga ng matatanggap kada beneficiary.
Patuloy din si Mayor Marcy sa pagiikot sa mga payout sites at pagdinig sa mga hinaing ng mga taga-lungsod. (PIA NCR)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

0 Comments