Tagalog News: Ceremonial vaccination sa ilang essential workers, isinagawa sa Araw ng Paggawa

Isinagawa ang pagbabakuna sa 10 essential workers mula sa iba't-ibang sektor nitong Sabado, ika-1 ng Mayo bilang bahagi ng pagbibigay pugay sa mga manggagawang Pilipino sa Araw ng Paggawa. (DS/PIA4A)

LUNGSOD NG CALAMBA, Mayo 4 (PIA) -- Matagumpay na nabigyang proteksiyon laban sa COVID-19 ang 10 piling essential workers mula sa iba’t-ibang sektor kasabay ng pagdiriwang sa Araw ng Paggawa sa Paseo de Uno, Calamba City noong Sabado, Mayo 1.

Ang naturang symbolic vaccination rollout ay pinangunahan nina Department of Health IV-A Assistant Regional Director Paula Paz-Sydiongco, Department of Labor and Employment (DOLE) IV-A Regional Director Exequiel Ronie A. Guzman at Laguna Provincial Health Office Dr. Rene Bagamasbad.

Ilan sa mga essential workers na bahagi ng A4 priority group ang nabigyang bakuna kontra COVID-19 ay mga bus driver, janitor, food chain manager, business owner at iba pa na kabilang sa frontline sa gitna ng laban sa pandemya.

Paghihikayat ni DOH-CHD Assistant Regional Director Dr. Sydiongco, kahit na mayroong bakuna na ay mahalaga pa rin ang “prevention” dahil bahagi na ito ng new normal na pamumuhay upang mapanatiling ligtas ang sarili sa sakit.

“Kahit ma-immunize kayo ngayon patuloy tayo sa pagsusuot ng face mask, ito na ang new normal natin ngayon, gagamit talaga tayo ng face shield at face mask, ang sabi sa mga pag-aaral eto ay nakakapagprovide ng 90-95% protection kasama ang social distancing,” pahayag ni Dr. Sydiongco.

Ayon naman kay Laguna PHO Dr. Rene Bagamasbad, isang magandang pagkakataon at simula para sa A4 Priority Group ang pagbabakuna sa mga nakiisang manggagawa upang mas mahikayat pa ang mas nakararami na magtiwala sa bakuna. 

 

Samantala, kasabay ng ilang manggagawa ay tinanggap na rin ni DOLE IV-A Regional Director Exequiel Ronie A. Guzman ang unang dose ng Sinovac vaccine bilang proteksyon karagdagang proteksiyon sa COVID-19.

Katuwang rin sa pagbabakuna ang Calamba City Health Office sa pangangasiwa ni Dr. Adelino Labro kasama ang ilang mga kawani ng lokal na pamahalaan at mga nurse na sina Nurse III Ruby San Diego at Nurse II Gina Malabanan na nagbigay bakuna sa mga manggagawa. (CO/PIA4A)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments