PARAÑAQUE CITY, Mayo 14 (PIA) -- Pananatilihin ng mga lokal na pamahalaan ng Metro Manila ang 10 p.m. hanggang 4 a.m. na curfew sa ilalim ng "heightened" na General Community Quarantine (GCQ).
Ito ang sinabi ni Metro Manila Council (MMC) Chairman at Parañaque City Mayor Edwin Olivarez, ngayong araw na nakapaloob sa heightened GCC na ang mga pinapayagang lumabas ng kani-kanilang tirahan o authorized person outside of residence (APOR) ay mula18 hanggang 65 taong gulang lamang, ang tanging paghihigpit na pinananatili mula sa katatapos lang na Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Habang ang aprubadong kapasidad para sa indoor dining sa mga restaurant ay nadagdagan sa ilalim ng heightened GCQ kumpara sa ECQ, nilinaw ni Mayor Edwin na ang porsyento ay mas mababa pa rin kumpara sa orihinal na GCQ.
Sinabi ng tagapangulo ng MMC na ang kapasidad sa loob ng mga kainan ay nababagay lamang sa 20 porsyento, ito ay mas mababa ng 10 porsyento kumpara sa dating GCQ.
Samantala, nagpahayag ng kumpiyansa si Olivarez na maaring ipatupad ng mga local government unit ang mga alituntunin sa ilalim ng heightened GCQ.
"Madali po natin ma-i-implement ‘yan within the city," aniya.
Nitong Huwebes, inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang paglilipat ng National Capital Region, Bulacan, Cavite, Laguna, at mga lalawigan ng Rizal o NCR Plus sa mas maluwag na GCQ na may "heightened restrictions" mula Mayo 15 hanggang Mayo 31. (PIA NCR)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments