Tagalog News: Muntinlupa LGU nagsimula nang magbakuna ng Pfizer-BioNTech kontra COVID-19

Pinangunahan nina Mayor Jaime Fresnedi at mga opisyal mula sa DOH at National Vaccination Operations Center ang simulation activity para sa roll-out ng Pfizer-BioNTech sa Muntinlupa. Isinagawa ang simulation sa Ayala Malls South Park nitong Huwebes. (Muntinlupa PIO)

LUNGSOD QUEZON, Mayo 14 (PIA) -- Sisimulan na ngayong araw ng Pamahalaang Lungsod ng Muntinlupa ang pagbabakuna sa mga residente ng Pfizer-BioNTech kontra COVID-19 na nagmula sa Pamahalaang Nasyunal.

Ito ay matapos makatanggap ang lungsod ng 1,170 na mga vial, katumbas ng 7,020 dosis, ng Pfizer-BioNTech nitong Huwebes at pangangasiwaan ito simula ngayong araw, ika-14, hanggang ika-18 ng Mayo sa Ayala Malls South Park sa Alabang.

Noong Huwebes din, ang mga opisyal mula sa Department of Health (DOH) at National Vaccination Operations Center ay sumali kay Mayor Jaime Fresnedi sa pagmamasid sa aktibidad ng simulasyon ng Pfizer-BioNTech sa Ayala Malls South Park.

Kabilang sa mga dumalo ay sina DOH Disease Prevention and Control Bureau Director Dr. Napoleon Arevalo, NVOC executives Dr. Shirly Pador at Dr. Sarah Lazaga, DOH NCR Regional Director Gloria Balboa, DOH NCR Assistant Regional Director Ma. Paz Corrales, Dr. Jose Mari Castro at Dr. Anatoly de los Santos, at Muntinlupa City Health Officer na si Dr. Juancho Bunyi.

Pinasalamatan ni Fresnedi ang pambansang pamahalaan para sa paglalaan ng mga bakunang Pfizer-BioNTech sa Lungsod Muntinlupa.

Magugunitang ang Food and Drug Administration (FDA) ay nagpalabas ng Emergency Use Authorization (EUA) para sa bakunang Pfizer-BioNTech COVID-19 noong Enero 14.

Bago ang dilution, ang bakuna ay kailangang itago sa temperatura na -80 hanggang -60 degree Celsius . Pagkatapos ng dilution, ang bawat vial ng Pfizer-BioNTech ay naglalaman ng anim na dosis na 0.3 ML.

Ayon sa FDA, ang bakuna ay ibinibigay para sa mga taong 16 taong gulang pataas sa dalawang dosis na tatlong linggo ang pagitan. Ayon naman sa fact sheet para sa bakuna, matapos itong ma-dilute ay kailangan na itong magamit “within six hours from the time of dilution.” (PIA NCR)

 



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments