Tagalog News: P16.9M TUPAD, livelihood packages alay ng DOLE sa Bulacan

LUNGSOD NG MALOLOS, Mayo 1 (PIA) -- Naghandog ang Department of Labor and Employment o DOLE ng nasa 16.9 milyong pisong iba’t ibang livelihood packages at mga emergency jobs para sa mga Bulakenyo ngayong Araw ng Paggawa.
 
Ayon kay DOLE Provincial Director May Lynn Gozon, may 1,948 na mga Bulakenyo ang binigyan ng emergency jobs sa ilalim ng Tulong Pangkabuhayan sa Ating Displaced/Disadvantaged Workers o TUPAD.
 
Bawat isa ay magtatrabaho sa loob ng 10 araw na may pasahod na 4,200 piso.
 
Kabilang sa trabahong ginagawa rito ay paglilinis ng mga lansangan, pagtatanggal ng mga bara sa kanal, pagpapaganda o beautification sa mga tutukuying lugar sa barangay at iba pang pwedeng pakinabangan sa kanayunan.
 
May kabuuang 8.1 milyong piso ang inilaan ng DOLE para sa kasalukuyang batch ng TUPAD sa Bulacan.
 
Sa loob ng nasabing halaga, 609 ang mga benepisyaryong tinukoy ng Kapitolyo sa pamamagitan ng Provincial Youth, Sports and Public Employment Service Office o PYSPESO habang tig-103 na mga benepisyaryo ang napagkalooban sa mga lungsod ng Meycauayan at Malolos; at mga bayan ng San Miguel, Bustos, Angat, Baliwag, Guiguinto, Balagtas, Bocaue, Santa Maria, Marilao, Bulakan at Calumpit.

Umabot sa 1,948 na mga Bulakenyo ang nakinabang sa Tulong Pangkabuhayan sa Ating Displaced/Disadvantaged Workers na ipinagkaloob ng Department of Labor and Employment sa Bulacan ngayong Araw ng Paggawa. (Shane F. Velasco/PIA 3)

Aabot naman sa 8.8 milyong pisong iba’t ibang Kabuhayan Packages ang ibinaba ng DOLE na pakikinabangan ng nasa 900 na mga Bulakenyong walang pinagkakakitaan.
 
Sinabi ni Gozon na sa loob ng nasabing halaga, 5 milyong piso ang ipinagkaloob sa PYSPESO-Bulacan, 1 milyong piso sa lungsod ng Meycauayan, tig-500 libong piso para sa mga bayan ng San Miguel, Bustos, Baliwag, Plaridel at Marilao at 300 libong piso para sa bayan ng Santa Maria.
 
Ang sistema, isinasailalim sa iba’t ibang livelihood trainings ang mga matutukoy na benepisyaryo.
 
Kapag natapos ang panahon ng kanilang mainam na pagsasanay, pagkakalooban sila ng mga starter kits na nagkakahalaga ng nasa 10 libong piso bawat isa.
 
Naaayon sa pinagsanayan ang ibibigay na starter kits gaya ng food processing; baking, bread and pastry production; massage and therapy; hair cutting; sewing; at welding.
 
Ang selebrasyong ng Araw ng Paggawa ngayong taon ay may temang “Mayo Uno sa Bagong Panahon— Manggagawa at Mamamayan Babangon, Susulong!”  (CLJD/SFV-PIA 3)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments