Tagalog News: Vaccine portfolio ng bansa, maganda ang resulta -Sec. Galvez

Vaccine Czar Carlito Galvez kasama ang Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PCOO screengrab)

LUNGSOD CALOOCAN, Mayo 14 (PIA) -- Masayang ibinalita ni Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez kagabi kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte na "maganda" ang naging resulta ng COVID-19 vaccine portfolio ng Pilipinas batay sa mga bakunang ibinigay at binili ng bansa.

Sa ginanap na "Kumusta Ka Bayan Ko" briefing ng Pangulong Duterte, inilahad ni Galvez na ang vaccine portfolio ay mahalaga sapagkat tinitiyak nito na ang lahat ng mga candidate vaccine o mga bakunang gagamitin sa bansa ay hindi nagbabahagi ng parehong mga panganib, kapalpakan, o adverse reaction sa mga mamamayan na tuturukan nito.

Maaalalang naging problemado si Galvez dahil sa mga logistical problems na kinaharap sa pagbili ng bakuna at ang balitang mahina ang efficacy ng Sinovac kasama na rin ang pagbawal ng mga bansang gumagawa ng bakuna na makalabas ang mga ito hangga’t hindi pa nababakunahan ang kanilang mamamayan.

Unang naitampok ni Galvez sa Laging Handa Public Briefing kahapon ang magagandang balitang ito at kaniyang inulit at ipaliwanag kagabi kay Pangulong Duterte.

Aniya, ang unang magandang balita ay ang portfolio of vaccines ng bansa ay maganda ang ibinibigay na resulta. Aniya, naging maayos ang mga negosasyon sa bakuna at halos lahat ng bakuna na nasa portfolio ng bansa ay naging maganda ang performance.

Pinatotohanan ito ng isang inilabas na artikulo ng bansang Indonesia na nagsasabing mataas ang efficacy ng Sinovac na bakuna sa kanilang mga healthworkers.

Abot sa 98 porsyento ang ibinibigay nito na proteksyon laban sa pagkamatay, 96 porsyentong proteksyon sa hospitalisasyon at 94 porsyento naman ang ibinibigay na proteksyon nito sa symptomatic infection.

Dagdag ni Galvez, sa kaniyang pakikipag-usap sa Ambassador ng Israel, ito ay nagsabing napakataas ng proteksyon na ibinibigay ng bakuna kaya marami na sa kanila ang nagpabakuna.

Kanila nang nakamit ang herd immunity kaya ngayon ngayon ay tuloy tuloy na ang pasok ng eskwela. Sa bansang Canada naman ay sinimulan nang bakunahan ang 12 taon pataas, samantalang sa US naman ay sinisimulan na rin ang pagbakuna ng 12 to 16.

Aniya, ang ibig sabihin nito ay magdadagdag pa tayo ng bakuna upang mabakunahan din ang mas nakababata mula 17 hangga’t isang taon.

Pagdidiin ni Galvez, “Kailangan mabakunahan lahat ng mamamayan upang lubusang ma-eliminate ang virus.

”Ang pangalawang magandang balita ay dumarating ang bakuna in millions, in volumes. Ang pangatlo, ang COVAX facility at ang World Health Organization (WHO) ay tumutupad na sa kanilang pangako. Ito ay dahil tumataas na ang global production at niluwagan na ng mayayamang bansa ang pagpalabas ng mga bakuna na gawa sa kanila at inilalabas na rin ang kanilang mga sobrang bakuna," aniya.

"Ang pang-apat na magandang balita ay marami na an gustong magpabakuna kaya ang ma LGU ay nagpapadagdag na ng supply. Sa puntong ito, nagbigay katiyakan ang Pangulong Duterte nang agarang distribusyon ng mga dumarating na bakuna upang walang masayang at agad mabigyan proteksyon ang mamamayan," dagdag pa nito.

Kasama sa magandang balita ay bumababa na ang kaso sa National Capital Region (NCR) ngunit pagdidiin ni Galvez, kailangan pa rin ng masusing pag-iingat upang lubusang bumaba ito dahil may mga lugar na umaakyat pa ang mga kaso.

"Ang isa pang magandang balita ay ang aktibong partisipasyon ng pribadong sektor," aniya.

Inilahad ni Galvez na nakikipag-ugnayan sila sa mga lokal na pamahalaan at nagsasagawa pa ng mga simulation upang makamit ang 100,000 vaccination daily.

"Ang pribadong sektor at ang mga NCR mayors ay naglalayong makamit ang herd immunity sa buwan ng Nobyembre, at nang magkaroon ng magandang Pasko sa taong ito.

Nabanggit din ang iskedyul ng delivery ng bakuna ngayong second quarter kung saan nangako naman si Department of the Interior and Local Government Secretary Eduardo Año na kaniyang ihahanda ang mga LGU sa pagdating ng mga bulto ng bakuna. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments