Tagalog News: 7 barangay sa OrMin, idineklarang drug cleared ng Mimaropa ROC-BDC

Dumaan sa matinding deliberasyon at balidasyon bago ideklara ang pitong barangay sa lalawigan mula sa dalawang bayan at sa lungsod ng Calapan bilang drug-cleared barangay ng Regional Oversight Committee on Barangay Drug Clearing (ROC-BDC) kamakailan. (kuha ng PDEA Mimaropa)

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro, Hunyo 4 (PIA) -- Idineklara kamakailan ng Mimaropa Regional Oversight Committee on Barangay Drug Clearing (ROC-BDC) ang pitong barangay sa dalawang munisipalidad at lungsod sa lalawigan upang mapabilang sa 129 drug-cleared barangay, matapos isinagawa ang deliberasyon at balidasyon.

Pinamunuan ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Mimaropa Regional Director, Laurefel P. Gabales ang nasabing deklarasyon kung saan ang mga barangay ng Victoria at San Rafael sa bayan ng Roxas, barangay Ordovilla at Bagong Buhay sa bayan ng Victoria at sa lungsod ng Calapan ang mga barangay ng Pachoca, Balite at at San Vicente Central ang idineklara ng komite bilang drug-cleared barangay.

Ayon kay Gabales, “matapos ang masusing deliberasyon, balidasyon at re-balidasyon sa mga naunang idineklarang drug-cleared barangay, kabilang na ang pitong barangay sa 129 barangay; 27 sa lungsod ng Calapan, Baco at Pinamalayan na tig-21, 18 sa Socorro, tig-16 sa mga bayan ng Gloria at Bongabong, walo sa Bansud at dalawa sa Mansalay.”

Hinango ang nasabing deliberasyon, balidasyon at deklarasyon sa ikatlong regulasyon ng Dangerous Drugs Board Series of 2017 o mas kilala na ‘Strengthening the Implementation of the Barangay Drug Clearing Program, the Omnibus Guidelines in Declaring Barangay as Drug Cleared under Barangay Drug Clearing Program (BDCP) and Agency Memorandum Circular No. 2001-003 regarding Guidelines in Validation Process of Barangay with Drug-Cleared Status.’

Dumalo din sa nasabing aktibidad ang mga kasapi ng ROC BDC na sina Oriental Mindoro Asst. Prov’l Legal Officer, Atty. Jean Phoebe De Mesa na kumatawan kay Gob. Humerlito Dolor, PCol Nicolas D Torre III na kumatawan kay Police Regional Director, PBGen Nelson B Bondoc ng PRO Mimaropa at Department of Interior and Local Government (DILG) Provincial Dir. Ma. Victoria Dela Rosa na kumatawan naman kay Regional Director Wilhelm S. Suyco habang si Dr. Sahlee Montevirgen-Sajo ang kumatawan kay Department of Health (DOH) Regional Director, Dr. Mario S. Baquilod na nakiisa sa pamamagitan ng virtual communication.

Maliban sa mga kasapi ng komite, nakiisa din ang mga kapitan ng barangay na kabilang sa idineklarang drug-cleared at mga hepe ng pulis mula sa mga bayan ng Roxas, Victoria at lungsod ng Calapan. (DPCN/PIA-OrMin)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments