LUNGSOD CALOOCAN, Hunyo 4 (PIA) -- Hinihikayat ni Senator Win Gatchalian ang mga guro at non-teaching staff na magparehistro sa kanilang mga lokal na pamahalaan upang makatanggap ng mga bakuna ngayong pwede nang mabakunahan laban sa COVID-19 ang mga nasa A4 priority list.
Dahil patuloy na isinasakripisyo ng mga guro ang kanilang kaligtasan at kalusugan upang maipagpatuloy ang edukasyon sa gitna ng COVID-19 pandemic, binigyang-diin ni Gatchalian ang kahalagahan ng pagkakaroon nila ng proteksyon, lalo na’t nanganganib silang mahawa ng sakit dahil sa mga gawaing tulad ng pag-iimprenta at pagpapamahagi ng self-learning modules.
Dagdag pa ni Gatchalian, magiging mas kumpyansa ang mga magulang at mga mag-aaral na makilahok sa isinusulong na limited face-to-face classes kung nabakunahan na at protektado na ang mga guro.
Ang mga basic education frontliners ay kabilang sa A4 priority list sa programang pagpapabakuna ng pamahalaan kontra COVID-19. Kabilang din sa priority list na ito ang mga frontline personnel sa mga itinuturing na essential sectors. Bagama’t kabilang noong una ang mga guro sa B1 category, inaprubahan din ng Inter-Agency Task Force (IATF) on the Management of Emerging Infectious Diseases ang panukalang isali ang mga guro sa A4 priority list noong Abril.
Matatandaang isinulong ng Chairperson ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture ang pagbibigay prayoridad sa mga guro pagdating sa COVID-19 vaccination program. Sa Adopted Resolution No. 92 ng Senado, kung saan si Gatchalian ang naging sponsor at isa sa mga may akda, isinulong ng mga senador ang agarang pagbibigay ng bakuna sa mga guro upang maiwasan ang hawaan sa mga paaralan sakaling payagan na ang limited face-to-face classes.
“Ngayong binuksan na ang COVID-19 vaccination program para sa A4 priority list, nananawagan ako sa ating mga guro, pati na sa mga non-teaching personnel na magparehistro at magpabakuna. Ang pagpapabakuna ay hindi lamang proteksyon para sa atin, kundi proteksyon din para sa ating mga pamilya at mga komunidad,” ani Gatchalian. (PIA NCR)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments