2 barangay sa Baggao isinailalim na sa total lockdown

TUGUEGARAO CITY, Cagayan, April 28 (OTB) - - Isinailalim na sa total lockdown ang dalawang barangay sa bayan ng Baggao matapos magpositibo ang isang animnapung taong gulang na lalake sa Corona Virus Disease 2019 (COVID-19).

Ayon kay Mayor Joan Dunuan isasailalim sa lockdown ang mga barangay ng Tallang at Remus na posibleng pinuntahan ng panibagong kumpirmadong COVID-19 na kaso sa Cagayan.

Ang lockdown ay epektibo Abril 28, 2020, 12:01 ng madaling araw at ang mga lugar na nasa lockdown ay obligadong magsuot ng face masks kahit nasa bahay lang.

Ani Dunuan, agad silang nagsagawa ng contract tracing sa lahat ng mga nakasalamuha ng pasyente kabilang na ang kaniyang mga kapamilya at iba pang mga nakasalamuha sa kanyang pinagtratrabahuhan bilang isang magsasaka at nagbebenta ng karne.

"Malaking hamon sa amin ngayon ang contact tracing dahil ang pasiyente ay maraming nakaugnayang mga tao bago pa man napag-alaman na positibo siya sa virus. Magsasaka kasi siya at noong nagpaani siya ay marami siyang mga taong kasama, noong inatake siya ng sakit ay may mga barangay tanod din na tumulong sa kanya,"ani Dunuan.

"Maliban pa diyan ay isa siyang nagkakatay ng hayop at ibinebenta ito sa palengke kayat napakarami kami ngayong hinahanap na posibleng nakasalamuha niya, " dagdag niya.

Ayon pa sa alkalde palaisipan pa rin sa kanya kung papaano nahawaan ng virus ang pasyente gayong hindi ito lumalabas sa bayan.

Gayunman, dalawang bagay ang isiniisip nitong posibilidad na pinanggalingan ng kumapit na COVID-19 sa kanya, ito ay maaring mula sa anak ng pasyente na galing Taiwan noong Pebrero 15 at maaring sa mga nagdedeliver ng mga pagkain papasok ng Baggao mula sa iba mga lugar na may food pass.

Sa ngayon ay nasa quarantine facility na ang mga indibidwal na na-trace at minomonitor ng Municapal Health Office at ng mga opsiyal ng lokal na pamahalaan.

Pinag-aaralan na rin ngayon ng mga opisyal kung papaano ipatupad ang General Community Quarantine matapos ngang may magpositibo sa kanilang lugar. (MDCT/OTB/PIA 2-Cagayan)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments