LPP hiniling kay Sec. Bello na sumailalim sa PCR test ang lahat ng uuwing OFW

Si League of Provinces of the Philippines (LPP) National President at Marinduque Governor Presbitero Velasco, Jr. (Larawan mula sa League of Provinces of the Philippines)

BOAC, Marinduque, Abr. 28 (PIA) -- Hiniling ng mga gobernador sa Pilipinas sa pamamagitan ni League of Provinces of the Philippines (LPP) National President at Marinduque Governor Presbitero Velasco, Jr., na bukod sa 'mandatory 14-day quarantine period' ay sumailalim din sa mandatory Polymerase Chain Reaction o PCR test ang lahat ng uuwing Overseas Filipino Workers (OFW).

Sa liham na pinadala ni Velasco sa tanggapan ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Chairman Silvestro Bello III, sinabi nito na bagama't naiintidihan ng LPP ang mga OFW sa pagnanais ng mga itong makauwi sa kanila-kanilang mga tahanan upang makasama ang kanilang mga kapamilya ay kinakailangan munang masiguro na walang sintomas ng Coronavirus Disease ang mga ito para maiwasan ang pagkalat ng virus sa mga probinsya.

Sinabi rin ni Velasco na suportado ng LPP ang mandatory 14-day quarantine ng pamahalaan.

Aniya, dapat isailalim sa PCR test ang lahat ng OFW sa unang araw nang pagdating ng mga ito sa bansa ng sa gayon bago matapos ang 14 na araw na quarantine period ay malalaman na ang resulta kung positibo o negatibo sa COVID-19 ang mga ito.

Nakapaloob din sa kahilingan kay Bello na kinakailangang humingi ng katibayan o sertipikasyon ang isang OFW mula sa OWWA na nagpapatunay na negatibo na ito sa COVID-19 saka pa lamang papayagang makauwi sa kani-kanilang mga probinsya.

Matatandaan na noong Abril 20 sa ilalim ng Inter Agency Task Force Resolution (IATF) No. 2020-18 ay inihayag ni Cabinet Secretary at Task Force Spokesperson Karlo Nograles sa Laging Handa Briefing na lahat ng darating na Oversease Filipinos (OFs) ay kinakailangang sumailalim sa mandatory 14-day quarantine.

"Lahat po ng OFs (overseas Filipinos) na umuwi sa Pilipinas galing sa ibang bansa na may community-based COVID-19 transmission ay kailangang dumaan sa mandatory 14-day quarantine," bahagi ng pahayani Nograles. (RAMJR/PIA-Mimaropa)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments