BOAC, Marinduque, Abr 28 (PIA) -- Sa hangaring matulungan ang mga magsasaka na maibenta ang kanilang mga produktong gulay at prutas habang nasa ilalim ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang Luzon, inilunsad ng pamahalaang bayan ng Boac sa pangunguna ni Mayor Armi Carrion ang 'Mobile Tiangge sa Barangay' kamakailan.
Binibili ng lokal na pamahalaan ang mga gulay, prutas at iba pang produkto sa mga magsasaka mula sa 'interior barangay' kagaya ng Boi, Bayuti, Canat, Binunga, Hinapulan, Puting Buhangin at Duyay.
Pagkatapos, ito ay dadalhin sa bayan upang ibenta naman sa mga wholesalers o retailers ng Boac ABC Market.
Dahil dito ay nagiging tuluy-tuloy ang daloy ng kabuhayan ng mga mamamayang nasa sektor ng pagsasaka.
Ilan sa mga aning produkto na nabibili mula sa mga magsasaka ay kamatis, talong, kalabasa, kamote, gabi, sitaw, mais, papaya, saging at iba pa. Maging ang walis tambo ay binibili rin ng lokal na pamahalaan upang maibenta naman sa pamilihang bayan.
Samantala, habang isinasagawa ang pamimili ng mga gulay at prutas sa mga magsasaka, ang mga kawani ng pamahalaang bayan ay nagdadala rin ng mga pangunahing pangangailangan tulad ng bigas, isda, karne at iba pang pagkain upang ibenta sa tamang presyo sa mga residente ng nabanggit na mga barangay.
Sa pamamagitan ng ganitong programa ay hindi na kinakailangan pang magtungo sa palengke at gagastos ng pamasahe ang mga mamamayang nakatira sa interior barangay. Sa halip ay aabangan na lamang ang mobile tiangge sa harapan ng kanilang tahanan o lugar.
Ang Mobile Tiangge sa Barangay ay umiikot tuwing araw ng Sabado at Martes o dalawang beses sa loob ng isang linggo.
Nananawagan naman ang Pamahalaang Bayan ng Boac sa iba pang mga magsasaka na nagnanais magbenta ng kanilang mga produktong gulay at prutas na makipag-ugnayan sa Emergency Operations Center-Covid 19 Task Force sa mga numerong 0917-503-6575 o 0939-441-5784. (RAMJR/PIA-Mimaropa)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments