Tagalog News: Calapan LGU, mahigpit na ipatutupad ang GCQ simula Mayo 1

Nagbigay ng mensahe si Calapan City Mayor Arnan C. Panaligan hinggil sa ipatutupad na General Community Quarantine (GCQ) simula Mayo 1 sa ginanap na pagpupulong ng CDRRMC sa City Plaza Pavilion noong Abril 29. (Kuha ni Dennis Nebrejo/PIA-OrMin)

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro, Abr. 30 (PIA) -- “Kung naipatupad natin ng maayos ang Enhanced Community Quarantine (ECQ), mas lalo pa nating paigtingin ang pagpapatupad ng General Community Quarantine (GCQ) simula sa Mayo 1.” Ito ang mariing utos ni City Mayor Arnan C. Panaligan sa isinagawang pagpupulong ng City Disaster Risk Reduction Management Council (CDRRMC) sa City Plaza Pavilion noong Abril 29.

Dumalo sa nasabing pagpupulong kung saan kanila din ipinatupad ang social distancing sa lugar, sina Vice Mayor Gil G. Ramirez, hepe ng Calapan CPS LtCol. Julian Olonan, City Public Safety Department head Nelson ‘Choy’ Aboboto, ilang city department heads, mga kapitan ng barangay, gayundin ang mga nagpapatupad ng katahimikan at kaayusan sa lungsod.

Sa mensahe ng punong lungsod na siya ding chairman ng CDRRMC, “Sa oras magumpisa ang GCQ, mahigpit pa rin na ipatutupad ang pagsusuot ng face mask, pananatili ng social distancing at ang pagdadala ng quarantine pass sa tuwig lalabas ng bahay. Bawal pa din ang malakihang pagtitipon tulad ng pagsasagawa ng fiesta, mga seminar o conferences pati ang pagsusugal, iligal na sabong o tupada at ang patuloy na pagpapatupad ng liquor ban o pag inom ng mga nakalalasing na inumin.“

Dagdag pa ng punong lungsod, kanyang inatasan ang mga opisyales ng barangay na pagbawalan ang paglalaro ng basketball dahil ito ay may physical contact gayundin ang patuloy na implementasyon ng oras ng curfew mula 8:00 PM-5:00AM kinabukasan. Ang mga nasa edad 21 pababa at 60 pataas ay bawal din lumabas ng mga tahanan upang hindi sila mahawaan ng sakit.

Patuloy din ang pagpapatupad ng Market Day Clustering kung saan dalawang grupo ng barangay ang maari lamang mamili sa araw ng Lunes, Miyerkoles at Biyernes habang ang isang grupo ay Martes, Huwebes at Sabado.

Sa larangan naman ng edukasyon, nakatakda sana magbukas ang klase ng City College of Calapan at Mindoro State College of Agriculture and Technology ngayong darating na Agosto. Ayon kay Panaligan, ipapaubaya na lamang niya sa administrador ng nasabing mga paaralan kung ano ang paraan na maari nilang gawin ukol dito.

Samantala, ang pagbabagong magaganap ay ang pagpapatuloy sa konstruksyon ng mga kailangang pasilidad tulad ng hospital at city health center at mga nabinbin na proyekto noong unang quarter ng taon, tulad ng paggawa ng mga drainage canal at dredging ng mga ilog dahil malapit na ang tag-ulan.

Kasabay nito, nag ulat din ang hepe ng Calapan CPS na si P/LtCol Julian Olonan tungkol sa mga lumabag sa ECQ.  Aniya, “Mula ng ipatupad ang ECQ noong Marso 17, naitala ng aming tanggapan na 138 katao ang nahuli dahil sa kasong ‘disobedience’ habang 20 dito ay nahuling nagsusugal. Bago namin pakawalan ang mga nahuli ay pinapangaralan namin sila habang nasa harapan ang isang kabaong at ipinapaalam ang maaring sapitin kapag nahawaan ng COVOD-19. Ngunit sa ikalawang paglabag, sila ay amin ng kakasuhan.” (DPCN/PIA-OrMin)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments