LUNGSOD NG HENERAL SANTOS, Abr. 30 (PIA) – Nagbukas na ng mga karagdagang community kitchen ang Barangay Lagao sa tulong ng Sangguniang Kabataan (SK).
Nasa labing tatlong (13) day care centers ang nai-convert ng barangay upang maging community kitchen na nagpapakain sa mga batang nasa sampung gulang pababa na naaapektuhan ng krisis dulot ng banta ng COVID-19. Nagtutulong-tulong dito ang mga parent volunteers sa pagluluto upang maihatid sa mga bata ang libreng pagkain.
Libre rin ang panggasolina ng mga traysikel para sa transportasyon ng mga volunteers kapag naghahatid ng mga pagkain sa mga purok.
Ang magulang mismo ng bata ang kumukuha ng pagkain upang mapanatili ang social distancing habang nakapila.
Ayon kay SK Chairman Kimberly Cancer, mula sa surplus budget ng Sangguniang Kabataan ng Lagao ang ginamit nilang pondo upang masuportahan ang proyektong ito ng lokal na pamahalaan ng Gensan.
“Kung sakali mang may kulang, diyan na namin pinupunan,” aniya.
Sa kasalukuyan, nasa 123 community kitchens na ang nagpapakain sa mahigit kumulang pitumpong libong (70,000) bata sa buong lungsod ng Heneral Santos. (Harlem Jude Ferolino/PIA SarGen)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments