LUNGSOD NG BATANGAS, Mayo 1 (PIA) Maraming benepisaryo ng Social Amelioration Program (SAP) sa bayan ng Calaca ang nagsauli ng pera sanhi ng iba’t-ibang kadahilanan.
Sinabi ni Maharani Babasa, Municipal Social Welfare and Development Officer sa naturang bayan, na ilan sa mga nagbalik ng pera ay nakitang miyembro ng Pantawid Pamilya Program, may iba naman na kabilang sa nakakatanggap ng Social Pension.
“Ngayong araw po ay may 16 na kaming naitala na nagsauli ng pera dahilan sa nakita sa aming masterlists na sila ay miyembro ng 4P’s o kaya ay may social pension. May ilan din na nakakuha na ang kanilang mga asawa sa ibang barangay dahil dalawa ang kanilang tinitirahan kaya’t agad nilang isinoli ito. Inaasahan po natin na madaragdagan pa ang bilang ng mga magsasauli dahil ngayon ang huling araw ng pamamahagi naming ng ayudang ito,” ani Babasa.
Aniya pa, napakadami ng umaasa na maging benepisaryo ng programa at isang magandang halimbawa ang ginawa ng mga taong nagsauli ng pera dahil maiibigay nila ito sa mga taong mas nangangailangan lalo at sa panahon ngayon karamihan ay tigil ang paghahanapbuhay at walang pamamaraan upang sila ay kumite at maitustos sa pangangailangan ng kanilang pamilya.
Sa panayam kay Norberto Vidal, residente ng Brgy. Pantay Pag-asa, dalawa ang kanilang tinitirahan dahil nakatira din sila sa Brgy. Dacanlao at pareho siyang nabigyan ng SAP form sa dalawang barangay.
“Hindi ko po nais na makadoble ng SAP, kaya lamang po kami nag-fill up ng form ay dahil gusto naming makasiguro na kung hindi naaprubahan ang isa ay may isa pa kaming maaaring asahan. Mahirap po ang aming tayo dahil wala kaming naitago kahit isang kusing noong magkaroon ng lockdown. Hindi ko naman po maaatim na kunin pa ang sobrang pera dahil alam ko po marami pa ang nais makinabang sa programa. Hindi naman po kami pinapabayaan ng lokal na pamahalaan may mga ayudang bigas at manok po para sa amin,” ani Vidal.
Aniya pa, wala siyang inaasahan kundi ang pagiging construction worker at ang kanyang asawa ay maybahay at wala ding kita kaya’t nang ipatupad ang Enhanced Community Quarantine ay umaasa lamang sila sa tulong ng kanyang kapatid.
Sinabi naman ni Bernadette Aala, residente ng Brgy. Bisaya na isa din sa nagsauli ng pera, ang kanyang asawa ay nakatanggap na ng ayuda sa Brgy. Bagong Tubig kung saan ito ay nagtatrabaho bilang construction worker.
“Naging tapat po ako dahil alam ko pong maraming tulad ko ang kailangan ang ayudang iyon at dahil nabigyan naman po ang aking asawa mas dapat na ibigay ito sa mas karapat-dapat at iba pang kababayan namin na nangangailangan,” ani Aala. (BHABY P. DE CASTRO-PIA Batangas)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments