LUNGSOD CALOOCAN, May 20 (PIA) -- Ibinalita ng Pamahalaang Lungsod ng Makati na muli nitong ginamit ang “contactless method” sa pagbibigay ng P1,000 hanggang P5,000 cash incentives para sa may 11,713 graduates ng pampublikong elementary at senior high schools sa lungsod, taga-Makati man sila o hindi.
Nauna nang sinabi ni Makati Mayor Abby Binay na sa kauna-unahang pagkakataon ay nagbigay ng P1,000 cash incentive ang lungsod sa mga nagsipagtapos sa Grade 6 at Grade 12 nang walang academic honors, bukod pa sa nakagawiang pagbibigay ng cash incentives sa mga honor graduates sa mga nakaraang taon.
Ayon kay Mayor Abby, layon ng pamahalaang lungsod na mabigyan ng karagdagang panggastos ang pamilya ng bawat graduate.
Binigyang-diin ng alkalde ang paggamit ng electronic money transfer upang hindi na kailangang lumabas ng mga mag-aaral para kunin ang pera, sa halip ay ipapasok na lamang ito sa GCash ng kanilang magulang o guardian.
Batay sa inaprubahang incentive program para sa honor graduates ngayong taon, makakatanggap sila ng insentibo ayon sa sumusunod: “with honors”, P2,000; “with high honors”, P3,000; at “with highest honors”, P5,000.
Batay naman sa talaan ng DepEd Makati, may 7,207 graduates mula sa Grade 6 at 5,506 graduates mula sa Grade 12 ang public schools ng lungsod sa taong ito. Kasama rito ang nasa 2,885 graduates ng Higher School ng UMak (HSU) sa University of Makati. (PIA NCR)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments