Ilang siyudad sa CALABARZON, patuloy na ipapatupad ang paggamit ng 'quarantine pass'

LUNGSOD NG CALAMBA, Laguna, Hunyo 1 (PIA) --Bagama't nasa ilalim na ng General Community Quarantine ang buong rehiyon ng CALABARZON, may ilang siyudad pa rin ang patuloy na ipapatupad ang pag-gamit ng home quarantine pass (HQP) kapag lalabas sa kanilang tahanan ang kanilang mga nasasakupan.

Ayon sa FB Post ni Antipolo City Mayor Andeng Ynares, sa kabila ng kauutusan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na inilabas noong Mayo 31, 2020 na tanggalin na ang pagpapatupad ng HQP at barangay coding, tuloy pa din ang pag-require ng HQP at pagpapatupad ng Barangay Coding sa CMA (City Mall of Antipolo).

"Dahil nananatili ang banta ng COVID, nananatili din po ang posibilidad na ibalik ang pagpapatupad ng HQP sa mga darating na buwan... kaya pinapayuhan po ang lahat na huwag itapon ang nasabing HQP para kung sakaling ipag utos muli ng DILG ang pagbabalik nito ay mayroon na po agad tayong hawak na pass." wika ni Antipolo City Mayor Andeng Ynares.

Sa Public Advisory naman na inilabas ni Imus City Mayor Emmanuel Maliksi sa kanyang FB Page kahapon, sinabi nito na ang paggamit ng HQP ay magpapatuloy pa rin, at tanging HQ pass holder lamang ang maaaring lumabas at bumili ng pangunahing pangangailangan ng sambahayan o magsagawa ng kinakailangang transaksyon.

"Mula sa ating isinagawang konsultasyon sa ating mga Punong Barangay ngayong araw (Mayo 31), ang cluster schedule at lockdown days sa Lungsod ng Imus ay ating ititigil simula bukas, Hunyo 1, 2020 (Lunes)," ayon kay Mayor Maliksi.

Binigyang diin ni Maliksi na ang pagtanggal ng cluster schedule at lockdown days ay hindi nangangahulugang ligtas na ang paglabas ng bahay.

Paalala niya, "Tandaan na wala pa ring lunas ang Covid-19, kung kaya't kinakailangan pa rin ng higit na pag-iingat at disiplina ng bawat isa."

Sa Batangas City, ang patuloy na paggamit ng HQP ay nakapalaman sa Executive Order No. 27, s. 2020 na ini-isyu at nilagdaan ni Batangas City Mayor Beverly Rose Dimacuha noong Mayo 29, 2020.

Pinamagatang "An order extending the use of quarantine pass during the General Community Quarantine in Batangas City," nakasaad sa kautusan na ang paggamit ng HQP ay patuloy na ipatupad upang maiwasan ang "mass gatherings" at pagkukumpulan ng mga tao sa mga pampublikong lugar.

Samantala, ang siyudad ng Sta. Rosa at San Pablo City sa Laguna ay hindi na magpapatupad ng pag-gamit ng HQP.

Ayon sa panuntunan sa ilalim ng GCQ na inaprubahan ni Mayor Arlene B. Arcilla at inilabas sa FB Page ng City Information Office-Sta. Rosa, hindi na kailangan ang HQP ngunit kailangan ng ID para sa pagche-check ng edad ng mga lalabas sa kanilang tahanan.

Binigyang diin sa panuntunan na ang paglabas ay limitado lamang sa pagbili ng pangunahing pangangailangan at serbisyo, gayundin sa mga industriyang pinapayagang magbukas.

Sa kabilang banda, sa GCQ guidelines na inilabas ng pamahalaang panglungsod ng San Pablo sa CIO San Pablo FB Page, binanggit na hindi na required ang HQP kapag lalabas ng barangay sang-ayon sa inilabas na announcement ni Laguna Gov. Ramil Hernandez. (CPGonzaga, PIA-4A at ulat mula sa FB Pages ni Antipolo City Mayor Andeng Ynares, Imus City Mayor Emmanuel Maliksi, Palakat Batangas City, City Information Sta. Rosa, at CIO San Pablo)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments