SAN MARIANO, Isabela, May 3 (PIA) - - -Isang dating lider ng New People's Army (NPA) kasama ang tatlong lokal na gerilya ang boluntaryong sumuko sa 95th Infantry Battalion na naka-base sa bayang ito kamakailan.
Ayon sa dating squad leader ng NPA, nabasa niya sa leaflets na pinamimigay ng 95IB at Tactical Operations Group (TOG2) tungkol sa mga testamento ng mga naunang nagbalik loob na mga rebelde sa pamahalaan.
Naisip ng dating lider ng rebeldeng grupo na puro kasinungalingan ang sinasabi ng kanilang mga kadre na sila ay sasaktan kung magbabalik-loob sila sa gobyerno.
Samantala, ang mga iba pang lokal na gerilya o Milisyang Bayan ay sumuko rin bunsod sa gusto nilang mabago ang kanilang lugar.
Dagdag pa nila na sila ay ginagamit lang ng kanilang nakakataas dahil sa kapangyarihan at malaking pera na nakokotong nila sa mga tao.
Kasabay ng kanilang pagsuko ay dala-dala nila ang isang M16 rifle, dalawang Cal .38 pistol, isang Night Vision Monocular, isang Portable Electric Generator at mga iba pang gamit ng NPA sa bayan ng San Mariano.
Ayon kay LtCol Gladiuz Calilan, battalion commander ng 95IB, ang mga nagbalik-loob na mga dating rebelde ay kanilang i-enroll sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program (ECLIP) ng gobyerno upang sila ay matulungan sa kanilang pagbabagong buhay.
Nananawagan din si Calilan sa mga naiwan pa sa loob ng armado at sa kanilang mga sangay/MB na huwag magpalinlang sa matatamis nilang salita dahil ito ay panlilinlang lamang upang makapasampa ng magdala ng armas padagdag sa kanilang puwersa at para makagawa ng organisadong masa na kanilang utusan. (MDCT/PIA-2)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments