Lucena City, COVID-19 free na matapos gumaling ang 4 na pasyente

LUNGSOD NG LUCENA, Quezon, Mayo 23 (PIA)- Inihayag ni Lucena City Mayor Roderick Alcala na COVID-19 free na ang lungsod ng Lucena makaraang gumaling ang natitirang apat na pasyente na naging positibo sa corona virus disease.

Sa panayam, sinabi ng alkalde  na ang natitirang apat na pasyente na naka-recover o gumaling na ay mula sa mga Barangay ng Isabang,   Cotta, Barangay 11 at  Mayao Kanluran. 

"Ang lungsod ng Lucena ay may naitalang 29 na positive cases ng COVID-19 subalit ang mga ito ay nabawasan ng 25 na mga gumaling na hanggang sa naka-recover na rin ang natitirang apat na pasyente kung kaya't naging COVID-free na ngayon ang lungsod at wala tayong naitalang casualty", sabi pa ng alkalde. 

Nagpasalamat din ang alkalde sa lahat ng mga tumulong upang gumaling ang mga pasyente na nagpositibo sa COVID-19 kagaya ng Quezon Memorial Hospital  na siyang nagpagaling sa mga pasyente gayundin  sa Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon at nasyonal na pamahalaan.

Gayundin sa Grand Riviera Hotel na naging isolation area ng mga persons under investigation sa COVID-19 at maging sa Lucena PNP, SOLCOM at mga barangay officials na katuwang sa kampanya kontra sa paglaganap ng COVID-19 

Ayon pa sa alkalde, bagama't naging COVID-19 free na ang lungsod ng Lucena noon pang Mayo 19, patuloy na ipatutupad ng pamahalaang panglungsod at ng Inter-Agency Task Force- COVID 19 ang lahat ng mga precautionary measures sa buong lungsod ng Lucena upang makaiwas ang mga lokal na residente sa COVID-19 kagaya ng pagpapatupad ng social distancing at paggamit ng facemask. 

Samantala, nagbigay babala din si Alcala sa mga may ari ng tindahan na sundin ang mga  guidelines sa operasyon ng kanilang mga negosyo o tindahan kagaya ng pagpapatupad ng  physical distancing at paggamit facemask ng mga mamimili.

Ang lungsod ng Lucena ay sumailalim na sa  General Community Quarantine (GCQ) noon pang Mayo 16. (Ruel Orinday-PIA-Quezon)

 



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments