Pagbabayad ng buwis, ipinaalala ng BIR-Caraga

LUNGSOD NG BUTUAN, Hunyo 1 (PIA) -- “Kailangan ng gobyerno natin ang inyong taxes upang patuloy na mag-operate at finance lalung-lalo ngayong panahon ng pandemya. Kung mayroon na kayong sapat na pambayad maaari na po ninyong ibayad sa pamamagitan ng online facility o diretso sa opisina ng BIR.”

Ito ang naging panawagan ni BIR-Revenue District Office No. 17 director Jose Eric Furia sa gitna ng krisis dulot ng coronavirus disease (COVID-19).

Aminado si Furia na bagsak ng P300 milyon ang koleksyon ng buwis ng kanilang ahensiya sa buwan ng Abril dahil na rin sa ipinapatupad na community quarantine.

“Talagang nagkakaroon ng economic crisis due to temporary closure of businesses. Kaya bagsak talaga ang koleksyon natin,” sabi ni Furia.

Base sa naitala ng BIR Caraga ay may bilang na 22,000 na mga taxpayer ang pumunta sa kanilang opisina sa buwan ng Pebrero; bumaba ng 12,000 sa buwan ng Marso; at sa Abril ay talagang bagsak kung saan mas mababa sa isang libo lamang ang pumunta para sa tax payment transaction.

Kaya naman, bilang paraan upang matugunan ang negatibong epektong ito ng COVID-19, tinatawagan anya nila ang bawat taxpayer sa rehiyon upang ipaunawa at hikayatin na magbayad na ng kanilang buwis at mag file na ng kanilang annual income tax return.

“Kaya naman sa kabila ng extension of deadline na ibinigay ay umaapela pa rin kami sa taxpayers na kung pwede magbayad na sila ng buwis. Maaari nila itong bayaran online,” sabi ni Furia.

Hinihikayat ng BIR-Caraga ang bawat taxpayer na hangga’t maari ay huwag nang patagalin pa ang pagbayad, kung meron naman na silang pambayad.

“Kailangan ng pamahalaan ang ating binabayarang buwis lalung-lalo na ngayon dahil gagamitin ito sa response support para sa COVID-19. Kaya obligasyon natin na magbayad,” sabi ni Shane Benolirao, business owner ng home-based printing shop. (VLG/PIA-Caraga)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments