LUNGSOD CALOOCAN, Mayo 3 (PIA) -- Inanunsyo nitong Huwebes ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo M. Año ang pagbibigay ng pitong araw na palugit para sa pamamahagi ng tulong pinansyal ng Social Amelioration Program (SAP) sa mga local government units (LGUs) sa Metro Manila at sa iba pang mga lugar na may mataas na bilang ng mahihirap alinsunod sa kahilingan ng mga punong lungsod.
“Sinabi sa amin ng mga alkalde na kailangan nila ng karagdagang oras dahil hindi nila matatapos ito sa itinakdang deadline nang hindi nilalabag ang mga panuntunan sa social distancing at mass gathering. Nahaharap tayo sa katotohanan na ang ilang mga lugar ay mas malaki ang populasyon kumpara sa iba, samakatuwid, ang palugit na pito pang araw ay igagawad sa mga napiling LGUs. Ito po ay upang tiyakin din na mas marami pa ang mararating ng tulong mula sa pamahalaan,” sabi ni Año.
“Ito ay pagkilala din sa ating mga LGU na talaga namang ginagawa ang kanilang mga trabaho, pero talagang sa pisikal at matematika ay imposible sa dami ng pamilyang kanilang nasasakupan,” dagdag niya.
Hanggang Abril 29, 2020, ang Department of the Social Welfare and Development (DSWD) ay nakapagbaba ng kabuuang P80.8-bilyon na bumubuo sa 98.8% ng pangkalahatang badyet ng SAP para sa 1,515 na LGU sa buong bansa.
Sa isang panayam, sinabi ni Año na ang mga LGU sa Metro Manila, na naunang nagsumite ng liham para palawigin ang pamamahagi ng SAP aid, ang mga lalawigan ng Cavite, Rizal, Laguna, Bulacan, at Cebu at Davao City ay bibigyan ng karagdagang pitong araw upang makumpleto ang pamamahagi ng tulong pinansyal sa mga kuwalipikadong pamilya na may mababang kita.
Sinabi rin niya na ang iba pang mga probinsiya na may mga isyu sa pamamahagi ay bibigyan din ng karagdagang apat na araw na palugit.
“Kung matatapos nila bukas, mabuti kung ganun, ngunit ito ang katotohanan at kinikilala natin iyon. Kaya naman itong extension na ito ay para matulungan din ang mga LGU na maiparating sa ating mga kababayan ang tulong na kanilang kailangan,” aniya.
Kamakailan lang ay itinakda ng DSWD at ng DILG ang deadline para sa pamamahagi ng tulong pinansiyal ng SAP sa mga mahihirap na pamilya sa Abril 30, 2020.
“Pagkatapos ng pagpapalawig, ang sinumang LGU na hindi makumpleto ang pamamahagi ng SAP sa kanilang mga kuwalipikadong benepisyaryo ay mai-iissuehang show cause order ng DILG,” aniya.
Sinabi ni Año na ang DILG, kasama si Secretary Rolly Bautista ng DSWD, ay pinag-aralan ang kalagayan ng Metro Manila at iba pang mga lugar sa bansa kung saan marami ang pamilyang mahihirap.
Aniya kinikilala ng pambansang pamahalaan na may mga lungsod na mataas ang populasyon at kung pinilit ang pamamahagi ng SAP pinansiyal na tulong upang matugunan ang deadline ay maaari lamang humantong sa paglabag sa mga panuntunan ng physical distancing. “Higit na mahalaga sa pagtalima sa itinakdang deadline, ay ang makasunod ang mga LGU sa panuntunan ng physical distancing dahil buhay ng mga tao ang nakataya,” dagdag niya.
Ipinaliwanag niya na kaya namang tapusin ang pamamahagi ng tulong pinansiyal sa napag-usapang deadline kaya lamang ay hahantong ito pagtitipon ng mga tao at mababalewala lamang ang layunin ng pagpuksa sa sa COVID-19.
“Kaya naman idistribute ng mga LGU ang SAP financial aid, kaya lang ay maba-violate nila ang physical distancing measures na pinapairal ng pamahalaan, balewala din iyon, madedefeat ang purpose,” aniya.
Pinaalalahanan din ng DILG Chief ang mga LGU na agarang ma-liquidate ang naibigay na SAP aid bilang paghahanda para sa pangalawang tranche ng tulong pinansyal. “Kahit na partial liquidation para tuloy-tuloy. Once na ma-full liquidation na sila, may basis na ang DSWD para sa paglalabas ng second tranche.” (PIA NCR)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments