BIÑAN CITY, Laguna, May 16 (PIA) — Inihahanda na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang Alonte Sports Arena sa Biñan City, Laguna upang gawing mega quarantine facility para sa isolation at medical treatment ng mga pasyenteng tinamaan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa rehiyon ng CALABARZON, partikular sa probinsya ng Laguna.
Sa isang pahayag, sinabi ng DPWH na sisimulan na sa susunod na linggo ang pagsasaayos ng sports arena para gawing mega quarantine facility kahalintulad sa mga naunang pasilidad na ginawa nito sa World Trade Center, PICC, at Philippine Arena.
“Alonte Sports Arena will be transformed into makeshift hospital with bed cubicles, nursing stations, sanitation chambers, and designated storage areas,” saad nito.
Ayon sa DPWH, ito ang ika-10 mega quarantine facility na isasaayos ng kanilang ahensya sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One program ng pamahalaan.
Buo naman ang suporta ng pamahalaang lungsod na pinamumunuan ni Mayor Walfredo R. Dimaguila, Jr., gayundin ng Congressional District Representative na si Marlyn B. Alonte sa pag-convert sa Biñan Sports Arena bilang mega quarantine facility.
Inaaasahang matatapos sa loob ng pitong araw ang pagsasaayos ng nasabing sports complex upang maging mega quarantine facility.
Nitong Huwebes, Mayo 14, ay personal na nagtungo sa Alonte Sports Arena si National Task Force COVID-19 chief implementer Secretary Carlito Galvez Jr. kasama ang mga opisyal ng DPWH upang magsagawa ng kaukulang inspection sa iko-convert na pasilidad.
Nagkaloob din ito ng donasyong surgical masks, 5,000 rapid testing kits, at 1,000 personal protective equipment sa pamahalaang lungsod ng Biñan na personal namang tinanggap ng mga opisyal ng pamahalaang lungsod. (FSC/DPWH)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments