Tagalog News: Alternatibong paraan ng pag-aaral, kinukunsidera ng Dep Ed OccMin

Ayon kay Dr. Roger Capa, Schools Division Superintendent ng Dep Ed Occ Min, may apat na paraan silang kinukunsidera - distance learning, modular, blended, homeschooling, at tradisyonal na paraan o face-to-face. FILE PHOTO. (VND/PIA Occ Min)

SAN JOSE, Occidental Mindoro, Mayo 29 (PIA) – Upang mapangalagaan ang mga mag-aaral sa lalawigan laban sa patuloy na banta ng COVID-19, masusing tinitingnan ng Department of Education (Dep Ed) Occidental Mindoro (Occ Min) na magpatupad ng mga alternatibong pamamaraan ng pag-aaral simula ngayong school year 2020-2021. 

Ayon kay Dr. Roger Capa, Schools Division Superintendent ng Dep Ed Occ Min, may apat na paraan silang kinukunsidera - distance learning, modular, blended, homeschooling, at tradisyonal na paraan o face-to-face. 

“Ang distance learning ay maaaring gawin sa pamamagitan ng paggamit ng computer, smartphones at internet o kilala rin bilang online distance learning,” paliwanag ng opisyal. Pwede rin naman aniyang modular kung saan may mga modules (printed o electronic) na ipamamahagi sa mga estudyante na kanilang pag-aaralan at sasagutan sa itinakdang panahon, o kaya ay yung ang gagamitin naman ay  radyo at telebisyon. “Ang mga distance learning mode na ito ay higit na nangangailangan ng suporta at gabay ng mga magulang o guardian ng bata,” pagbibigay-diin ni Dr. Capa.

Sinabi ng Division Superintendent na ang harapang pakikisalamuha ng mga estudyante’t mga guro o face-to-face classes ay isa pa sa kanilang ikinukunsidera. Aniya, ang mga paaralang magsasagawa nito ay mahigpit na sasailalim sa mga patnubay na ipinalabas ng Dep Ed. Kabilang dito ang pagbawas ng bilang ng mga bata na pisikal na tutungo sa paaralan kada araw, at pagsunod sa health protocols, gaya ng pagsusuot ng face mask, regular na paghuhugas ng kamay at physical distancing. 

Kukunin din, ani Capa, ang temperatura ng mga guro at mag-aaral, at isasagawa ang regular na pag-disinfect sa paaralan. “Ang mungkahi ng Dep Ed, itong tradisyonal na paraan ng pagkatuto ay gawin lamang sa mga lugar na walang banta ng Coronavirus Disease (COVID-19),” saad ni Dr. Capa. Aniya, sa gitna ng pagtutol ng maraming mga magulang sa face-to- face classes, ang pinal na desisyon kung marapat itong gamitin ay manggagaling pa rin sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID).

Ang isa pang alternative delivery modality ay ang blended learning na kumbinasyon ng face-to-face at distance learning. Sinabi ng Division Superintendent na sa blended learning ay bibigyan ng schedule ang estudyante upang bumisita sa kanyang paaralan, at gayundin sa pag- online. “Ang ika-apat, ay ang home schooling kung saan ang bata, sa patnubay ng isang para-teacher o DepEd-accedited homeschool provider, ay sa bahay mag-aaral habang ginagabayan ng kanyang magulang” dagdag pa ni Dr. Capa.

Ipinaalala ng opisyal sa mga magulang na bagamat ang mga nabanggit na altenatibong paraan ng pag-aaral ay ginagamit na ng ilang paaralan, maituturing pa rin ang mga ito na isang bagong sistema sa kabuuan. Hiling ni Dr. Capa sa lahat, na unawain ang mga pagbabago, at tulungan ang pamahalaan na makamit ang layuning mabigyan ng tamang edukasyon ang mga kabataan. “Kailangang lahat po tayo ay magtulungan. Remember that it takes a village to educate a child (Tandaan po natin na kinakailangan ang isang pamayanan upang maturuan ang isang bata),” pagtatapos ng Division Superintendent. (VND/PIA MIMAROPA)

 



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments