Tagalog News: COVID-19 referral hospital sa Caraga nakatanggap ng donasyon mula sa private sector

BUTUAN CITY, May 24 (PIA) -- Nakatanggap ng donasyon mula sa mga private donors ang Caraga Regional Hospital (CRH) noong May 19, kung saan pinangasiwaan ng tanggapan ni Senator Christopher Lawrence “Bong” Go ang pagturnover.

Nakatanggap ng mga sako ng bigas, face masks, and thermal scanners ang ospital sa pamamagitan ni Medical Center Chief Dr. Cheryl A. Gotinga; hospital nurse Grace D. Platil, supervising administration officer Atty. Clayton Edgar M. Delgado; at Malasakit social worker Luo Francis P. Solana.

Ang mga donasyon ay ipinamahagi upang patuloy na matulungan ang mga medical at health workers sa CRH at maging ang mga manggagawa ng Malasakit Center na naipatayo sa ospital.

Lubos ang pasasalamat ng mga hospital heads, lalo na ni Dr. Gotinga, sa mga donors at sa gobyerno na isinigurong maibahagi sa kanila ang mga donasyon.

“Tiyak na magagamit namin ang mga kagamitan upang mapabuti ang pag-accommodate sa mga COVID-19 patients. Malaking tulong din ang food augmentation sa aming mga manggagawa. Sa pamamagitan ng pagdating ng mga tulong ay mas magiging determinado pa silang magserbisyo sa ating mga kababayan,” aniya.

Pinuri din ni Senator Go ang mga donors na walang sawang nagpapakita ng pagmamalasakit sa kapwa sa gitna ng krisis.

“Itong mga donasyon ay mula sa ating mga kababayan. Patunay lamang na sa panahon ng hirap, nariyan ang maraming tao na bukas ang loob na tulungan ang mas nangangailangan. Buhay na buhay ang pakikipagtulungan at bayanihan sa ating bansa,” sabi ng senador.

Ang CRH ay isang Level 2 Department of Health (DOH) hospital sa Surigao City, Surigao del Norte at isa sa dalawang COVID-19 referral hospitals sa Caraga kung saan kinuconfine ang mga suspected cases na nakakaranas ng malalang sintomas at mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa rehiyon.

Matagumpay din na napangasiwaan ng tanggapan ni Senator Go ang nagdaang turnovers sa iba pang mga ospital sa Mindanao katulad ng Northern Mindanao Medical Center (NMMC) sa Cagayan de Oro City; Dr. Jorge P. Royeca Hospital (DJPRH) sa General Santos City; Southern Philippines Medical Center (SPMC) sa  Davao City; and Davao Regional Medical Center sa Tagum City. (DMNR/PIACaraga)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments