Tagalog News: DOH-4A Director Janairo inilahad ang estado ng rehiyon kontra COVID-19

LUNGSOD NG CALAMBA, Laguna, Mayo 31 (PIA)-- Ibinahagi ni Department of Health Center for Health Development Region 4A, Regional Director Dr. Eduardo C. Janairo ang estado ng CALABARZON hinggil sa laban kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa isang panayam sa Usapang PIA,  ipinaliwanag ni RD Janairo ang mga napapanahong impormasyon na madalas itanong ng publiko na may kaugnayan sa nakahahawang sakit na COVID-19 at binigyang linaw rin niya ang bawat isa tungkol sa kasalukuyang sitwasyon ng buong rehiyon.

Ayon kay RD Janairo, hindi nagtutugma ang mga datos na sinisikap ipagbigay-alam sa publiko sapagkat dumadaan ang mga ito sa masusing proseso at hindi dahil hindi tugma ay hindi na tama ang datos na inilalabas ng iba’t-ibang ahensya.

Aniya, kung ang isang testing center ay pribado madalas ay hindi kaagad nagkakaroon ng datos ang national dahil diretso ang pagsumite ng mga datos sa provincial o municipal level at hindi kaagad nairereport sa national level kung ilan ang karagdagang positive cases.

Dagdag pa niya, matinding validation muna ang daraanan ng mga datos tungkol sa mga pasyenteng positibo sa sakit sa lokal na antas bago pa man maisama sa opisyal na listahan ng mga new positive cases sa national.

Sa kabilang banda, ang mga testing laboratory sa rehiyon ay pinag-aaralan ng madagdagan pa sapagkat hindi kakayanin ng kapasidad ng limitadong testing laboratories ang mga pasyente na kailangan ng agarang atensyong medikal.

Tinatayang 21 na testing laboratories ang sinisikap na mailunsad sa buong rehiyon ng CALABARZON upang maiwasan ang hindi pagkakaintindihan sa mga impormasyong may kinalaman sa COVID-19 at mapabilis ang pagsusuri sa mga pasyente.

Base pa sa mga impormasyong inilahad ni Regional Director Janairo, patuloy ang paghahanda ng kanilang ahensya sa tumataas na bilang ng mga positibo sa sakit kaya patuloy ang paglulunsad at pag-aaral upang madagdagan ang mga nakatalagang isolation facilities at testing laboratories.

Gayundin ay patuloy ang kanilang isinasagawang pakikipagtulungan sa mga government at private hospital upang mas maasahan pa at magampanan ang tungkulin sa laban kontra COVID-19 para maihanda at mapalakas ang health system ng rehiyon upang makatugon sa pagtaas ng kaso o second wave. (CAO/PIA4A)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments