Tagalog News: Implementasyon ng 'Balik Probinsya Program,' pinaigting pa sa Caraga

LUNGSOD NG BUTUAN, Mayo 25 (PIA) - Sa bayan ng San Francisco sa probinsya ng Agusan del Sur, may mahigit 40 indibidwal ang sinundo sa boundary na nagmula pa sa ibang probinsya. Ang mga ito ay third batch na ng kanilang listahan ng mga locally stranded individuals (LSIs) at dumaan sa health protocols at preventive measures ng nasabing local government unit (LGU).

Sa tulong ng PHILTRANCO, nagagamit ang kanilang bus sa pagsundo ng mga na-stranded na indibidwal pabalik sa kani-kanilang bayan. Ang mga bus na ito ay mahigpit ding sumusunod sa health protocol at social distancing sa mga pasahero.

Tinututukan naman ng LGU-La Paz ng nasabing probinsya ang pagsundo ng may mahigit 600 indibidwal na na-stranded sa iilang high risk areas ng bansa. Patuloy din ang kanilang pagsasaayos ng mga quarantine facilities para sa mga nagbalik probinsya.

Sa bayan ng Trento, Agusan del Sur, may mahigit 100 indibidwal na rin ang nakabalik sa kanilang lugar at lahat ay dumaan sa rapid testing upang masuri ang kanilang kondisyon.

Mahigpit ding pinaalalahanan ni Allen Joe Lumanta, ang information officer ng nasabing bayan sa lahat ng gustong umuwi na huwag kaligtaang makipag-ugnayan sa kanilang barangay bago ito bumiyahe.

“Sa lahat ng ating mga Trentohanon, huwag pong kalimutang makigpag-ugnayan sa inyong mga barangay official upang maging maayos at organisado po ang inyong pag-uwi. Ang ating LGU naman ay patutuloy na magbibigay serbisyo sa inyo at tutulong sa inyong ligtas na pagbalik sa probinsya,” ani ni Lumanta.

Samantala, patuloy din ang implementasyon ng “Hatid Estudyante Program” ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), kung saan nauna nang humiling ng tulong ang mga studyanteng mula sa Mindanao State University (MSU) na nastranded sa Iligan at Marawi City. Nakauwi na ang may mahigit 500 studyante sa kani-kanilang lugar sa Caraga region.

Binigyang-diin ni LTFRB-Caraga regional director Ma. Kristina Cassion na malaki ang naitutulong ng programang ito sa mga studyante na nastranded mula pa noong Marso. (JPG/PIA-Caraga)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments