Tagalog News: Lalawigan ng Rizal naglabas ng karagdagang GCQ guidelines

LUNGSOD NG ANTIPOLO, Rizal, Mayo 21 (PIA)-- Inanunsyo kamakailan ng Pamahalaang panlalawigan ng Rizal ang ilang karagdagang guidelines para sa General Community Quarantine sa kanilang opisyal na Facebook Page.
 
Ayon sa Lalawigan ng Rizal (Official) Facebook Page ay transferable na ang mga barangay quarantine pass at maaring ipagamit sa ibang miyembro ng pamilya para maka-access sa essential goods and services.
 
Aniya ay hindi kailangan kumuha ng bagong pass mula sa barangay kahit may ibang pangalan o picture ang nakalagay sa lumang Quarantine Pass.
 
Minarapat umano ng pamahalaang gawing transferable passes upang magamit ng ibang kapamilya lalo na kung ang dating may hawak ng pass ay nagsimula na muling pumasok sa trabaho.
 
Kikilalanin rin ito sa ibang mga bayan sa lalawigan bilang bahagi ng intrazonal movement mula sa GCQ area papunta sa isa pang GCQ area para rin sa pagkuha at pagbili ng essential goods and services.
 
Paalala lang ng pamahalaan na hindi essential ang pamamasyal, paggala at pagbisita lamang.
 
Maari namang makapaghatid ang mga tricycle sa mga karatig bayan pero ipinagbabawal ang pagsasakay pagkuha ng pasahero mula sa ibang bayan pabalik.
 
Bukod rito ay isang pasahero lang ang maaring isakay na pasahero na Authorized Person Outside Residence (APOR) o exempted sa IATF Guidelines. 
 
Ipinagbabawal pa rin ang pagpunta ng mga taga-Rizal sa NCR at taga-NCR papunta ng Rizal bilang restriksyon ng IATF dahil sa intrazonal movement maliban kung kasama ang mga ito sa exemptions  o isang APOR.
 
Nakasalalay naman ang desisyon ng paglift o pag-iiba ng liquor ban sa LGUs ng mga bayan.
 
Ang mga freelance at informal workers naman tulad ng tubero, karpintero, tindero, at iba pa ay  kailangan namang kumuha ng barangay work certificate upang patunayan ang kanilang pagtratrabaho at magsilbi na ring quarantine pass.
 
Hindi naman kailangang kumuha ng Barangay Work Certificate ang mga empleyado mula sa formal sector at mga industriyang pinapayagan ng IATF na mag-operate sa ilalim ng GCQ.
 
Aniya ay sapat na ang Company ID at certificate of employment para makadaan sa PNP checkpoints.
Bagaman hindi pinapayuhan dahil parte ng vulnerable sectors, maaaring mapayagan magtrabaho ang mga mga kabataang below 21 years old o senior citizens (60 anyos at mahigit) matapos makakuha ng company certification na kailangan maging physically present sila sa trabaho o kaya ay Company ID at Certificate of Employment (COE).
 
Dagdag naman ng Pamahalaang Panlalawigan ay mayroon pa ring curfew at hindi basta-basta makakalabas.
Ang 24 - Hour Curfew ay para sa mga walang Transferable Barangay Quarantine Pass at ang 8:00 pm to 5:00 am Curfew ay para sa mayroong Transferrable Barangay Quarantine Pass. 
 
Epektibo pa rin ang food lane passes para sa malaya at mabilis na pag-angkat o pagkuha ng pagkain sa pamamagitan ng pagdaan ng mga sasakyan na may dalang pagkain at iba pang produktong pang-agrikultura. Makukuha ang naturang mga passes sa Agriculture Office ng bawat bayan. 
Maaari pa ring gamitin ang Rapid Pass ng mga Accredited Frontliners at APOR mula sa gobyerno, at private and business establishments na bahagi ng skeleton workforces. 
Ipinagbabawal pa rin ang backriders sa mga motorcycle, scooter, atbp ayon sa DOTR guidelines at ang driver ay kinakailangang laging may suot na face mask.
Para naman sa mga Bus, Jeepney, UV Express, Taxi at iba pang pampublikong sasakyan, ay mahigpit pa rin ipinapatupad ang physical distancing, pagsusuot ng face mask ng lahat, at iba pang Health Protocols na inisyu ng DOTR. (PIA-Rizal may ulat mula sa Pamahalaang Panglalawigan ng Rizal/Lalawigan ng Rizal (Official) Facebook Page)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments