Tagalog News: Mga media practitioners sa AgSur, nagbigay tulong sa mga residenteng lubos na apektado sa COVID-19

LUNGSOD NG BUTUAN, Mayo 2 (PIA) -- Bagamat marami sa kanila ang apektado at natigil ang operasyon sa kani-kanilang estasyon dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19), pinili pa rin ng mga miyembro ng Agusan del Sur Media Club na magsagawa ng inisyatibo upang makatulong sa mas nangangailangang mamamayan sa iba’t-ibang barangay sa nasabing probinsya.

Ayon kay Richard Grande, presidente ng Agusan del Sur Media Club, dahil may nakakarating na impormasyong sa kanilang himpilan ukol sa ilang residente na hindi pa nakatanggap ng ayuda mula sa gobyerno, agad na umaksyon ang grupo at nakipag-ugnayan sa mga organisasyong gusto rin magbigay tulong sa mga apektadong pamilya.

Namigay ang nasabing grupo ng bigas, relief goods, isda at gulay sa mga residente ng iilang barangay mula sa bayan ng San Francisco, Prosperidad, at Talacogon.

“Sa pamamagitan nito, natutulungan namin yung ating mga kapwa Agusanons na walang-wala talaga at nahihirapan sa pang-araw araw na hamon sa buhay lalu na sa kinakaharap na krisis sa COVID-19. Nais namin mas marami pang matulungan sa iba’t-ibang barangay ng mga lungsod dito sa probinsya,” ani ni Grande.

Emosyunal na nagpasalamat si aling Linda Villahermosa, isang senior citizen sa Barangay Salvacion, Prosperidad, Agusan del Sur dahil sa tulong na kanilang natanggap.

“Malaki ang aming pasasalamat sa biyayang aming natanggap. Sana ay marami pa kayong matulungang pamilya tulad namin,” pahayag ni Villahermosa.

Sinabi naman ni Grande na sa kanilang pagbisita sa mga barangay at paghatid ng mga ayuda, marami din silang nakalap na mga isyu at concern na nais ng mga residente na maipaabot din sa lokal na pamahalaan.

Kaya naman ipagpapatuloy aniya ng grupo ang ganitong aktibidad upang mas marami pang matulungang mga residente sa mga malalayong barangay.

Samantala, patuloy ding tinutulungan ng Agusan del Sur Media Club ang mga frontliners na nasa iba’t-ibang checkpoints. Binibigyan din nila ito ng pagkain habang isinasagawa nila ang kanilang tungkulin.

Nanawagan din si Grande sa mga gustong magbigay donasyon, maging sa personal protective equipment (PPEs) para sa mga frontliners upang mas marami pang matulungan sa ibat-ibang bayan ng probinsya. (JPG/PIA-Agusan del Sur)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments