LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro, Mayo 19 (PIA) -- Pormal nang ipatutupad sa Lalawigan ng Oriental Mindoro ang Provincial Ordinance No. 113-2020, ordinansang magbabawal at magpapataw ng parusa sa lahat ng anyo ng diskriminasyon laban sa sinumang tao sa ilalim ng kategorya ng pinaghihinalaan o kumpirmadong kaso ng anumang nakahahawang sakit.
Gayundin, kasama ang diskriminasyon sa medikal at hindi-medikal, pampubliko man o pribadong frontliner, manggagawa man ng pampubliko o pribadong sektor sa lalawigan, na aktibong naglilingkod sa probinsya sa panahon at matapos ang public health emergency dulot ng epidemya o pandemya.
Kaugnay ng inilabas na Proclamation No. 922 ni Pangulong Rodrigo R. Duterte na nagdedeklara ng State of Public Health Emergency sa buong bansa bunsod ng Corona Virus Disease (COVID-19) at pagsasailalim sa Code Red Sub-Level 2 ayon sa Code Alert System para sa COVID-19, ang Provincial Ordinance No. 113 - 2020 ay naaayon sa rekomendasyon ng Department of Health (DOH) at ng Inter- Agency Task Force para sa Emerging Infectious Diseases (IATF EID).
Ang deklarasyong State of Calamity na isinulong ng Pangulo ay nagpapahiwatig lamang ng nakababahalang epekto ng COVID-19 sa mamamayang Pilipino at buong bansa.
Bilang interbensyon sa paglitaw ng diskriminasyon sa mga taong nasa kategoryang pinaghihinalaan, posible at kumpirmadong kaso ng COVID-19, ang ordinansa ay naglalayong hikayatin na humarap sa agarang pangangalagang medikal ang sinumang nakararanas ng sintomas ng sakit upang maagapan ang paglala nito.
Kasama rin sa probisyon ng ordinansa ang proteksyon laban sa diskriminasyon sa mga medikal at hindi medikal na frontliners, .
Alinsunod ng mga insidente na may kinalaman sa diskriminasyon, ang DOH ay nagbigay rin ng babala sa publiko. Hinikayat rin ng ahensya ang mga Local Government Units (LGUs) na gumawa ng ordinansa upang protektahan mula sa diskriminasyon ang mga biktima ng COVID-19 at ang mga tagapagtaguyod ng mga medikal o hindi-medikal na pangangailangan sa gitna ng krisis ng pandemya, ang mga frontliners.
Ang implementasyon ng Provincial Ordinance No. 113-2020 ay isinasangalang-alang rin ang maaaring mangyaring health emergency sa hinaharap kaya’t minabuti ng Pamahalaang Panlalawigan ng Oriental Mindoro na epektibong matugunan ang kalagayan ng mga mamamayang Mindoreño, ingatan laban sa anumang uri ng diskriminasyon at maiangat ang moral ng mga bayaning frontliners sa kanilang walang pag-iimbot na pagganap ng tungkulin sa gitna ng laban sa COVID-19.
Anumang paglabag sa probisyon ng nasabing ordinansa ay may parusang multa na hindi bababa sa P5,000 at pagkabilanggo ng hindi hihigit sa anim na buwan.
Ayon kay Vice Governor CA Jojo Perez, “ang panahong ito ay hindi upang tayo ay magkawatak-watak kundi panahon ng pagkakaisa at pagtutulungan sa ating laban na wakasan ang krisis na dulot ng COVID-19 sa ating lalawigan”. (LC/PIAMimaropa/Calapan)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments