LUNGSOD NG CALAMBA, Laguna, Hunyo 1 (PIA) --Nagkaloob ng bagong ambulansiya ang pamahalaang panlalawigan ng Quezon sa mga bayan ng Catanuan at San Narciso na sakop ng Bondoc Peninsula.
Ayon sa FB post ni Quezon Gov. Danilo Suarez, "Sa inilaang tulong at inisyatibo ni 3rd District Rep. Aleta Suarez, tayo po ay nakiisa sa isinagawang blessing at turn-over ceremony ng dalawang ambulansyang ipapamahagi sa mga bayan ng Catanauan at San Narciso."
Binanggit din ni Gov. Suarez na naging katuwang din sina 2nd District Rep. David C. Suarez, ALONA Partylist Rep. Anna V. Suarez at ang Department of Health (DOH) upang maisakatuparan ang proyektong ito.
"Inaasahang malaki ang maitutulong ng mga ambulansya sa pagtugon sa pangangailangang medikal ng mga residente sa naturang mga bayan," ayon pa sa Gobernador.
Maliban dito, patuloy din ang pamamahagi ng ayuda ng pamahalaang panlalawigan tulad ng bigas at tulong pinansiyal sa mga iba't ibang bayan sa lalawigan sa panahon ng COVID-19 pandemic.
Kamakailan lamang, ipinamigay ng pamahalaang panlalawigan ang tulong sa mga miyembro ng Luntiang Katipunero, Provincial Union of Leaders Against Illegalities (PULI), Rural Health Unit at sa lahat ng barangay sa bayan ng Buenavista. Kasabay nito ay namahagi rin ng tulong pinansyal para sa mga Luntiang Katipunero at PULI ng nasabing bayan.
Dagdag pa rito, muling naghatid ng ayuda para sa mga medical frontliners ng San Narcisco RHU si KALIPI Quezon President Atty. Joanna Suarez kasama sina Vice Mayor Elena Baby Babao at ABC President Coun. Joyal Uy Esguerra.
"Magtapos man ang buwan ng Mayo, hindi naman magwawakas ang pagtulong ng pamahalaang panlalawigan sa mga mamamayan ng Quezon," wika ni Gov. Suarez. (CPGonzaga, PIA-4A at ulat mula sa Gov. Danilo E. Suarez FB Page)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments