Tricyle, balik biyahe na sa Pasig

LUNGSOD PASIG , Mayo 18 (PIA) – Simula ngayon Lunes,  balik biyahe na ang pasada ng mga tricycles sa lungsod ng Pasig.

Ayon kay Pasig City Mayor Vico Sotto, inaprubahan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang Pasig LGU Guidelines para sa muling pagbabalik operasyon ng mga tricycle sa lungsod.

“Isa pa rin sa pinaka malaking hamon sa ating pamahalaan ngayong transisyon papuntang modified enhanced community quarantine (MECQ) ang pampublikong transportasyon. Ang pinaka mahalaga pa rin siyempre ang pagpapanatili ng Social Distancing,” ayon kay Mayor Sotto.

Dagdag pa ng lokal na pinuno na magiging malaking tulong ang mga tricycle para masolusyonan ang kakulangan sa mobilidad ng mga empleyadong Pasigueño sa paraan na may social distancing pa rin.

Batay sa guidelines, isang pasahero lamang kada tricycle ang papayagan, maliban na lamang kung sa kadahilanang medikal kung saan may kasamang alalay ang pasyente. Kinakailangang may harang o barrier sa pagitan ng driver at pasahero.

Kailangan ding i-disinfect ng dalawang beses kada araw ang mga tricycle. Magbibigay ng disinfectant ang pamahalaang lungsod sa mga TODA.

Maaari ding bumiyahe ang mga pribadong tricycles, kinakailangan lamang may karatula ito na “Not For Hire,” at isang pasahero lang din ang pinapayagang sumakay.

Ang mga pampublikong tricycles ay pinapayagang mag operate simula 5:00 ng umaga hanggang 12 ng hating gabi.

Paalala rin ng pamahalaang lungsod sa mga tricycle operators at drivers na makipag ugnayan sa kanilang TODA at sa TORO. (Pasig PIO/PIA-NCR)   



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments