LUNGSOD NG SANTIAGO, Isabela, Hunyo 2 (PIA) – Handa nang magsagawa ng swab tests ang mga nagsanay na kawani ng City Health Office ng lungsod matapos na pormal na pinasinayaan ang COVID-19 swab testing booth kahapon.
Ang pagpapasinaya ay pinangunahan nina Santiago City Mayor Joseph Tan at City Health Officer Dr. Genaro Manalo na ginanap sa Integrated Terminal Complex at sinaksihan ito ng mga kawani ng City Health Office.
Ani Mayor Joseph Tan mahalagang mayroong swab testing center ang pamahalaang lungsod upang mapabilis ang pagpapadala ng mga swab sample na nakuha sa mga suspected COVID-19 na pasyente at mapadali ang pagpapadala at pagkaalam ng resulta ng mga ito.
“Nagpapasalamat tayo sa pamumuno ng ating City Health Officer na si Dr. Genaro Manalo sa pamamagitan ng City Epidemiological Surveillance Unit upang maipatayo ang swab testing center sa lungsod,” sambit ni Mayor Tan.
Samantala, sinabi naman ni Manalo na dito isasagawa ang swabbing pagkatapos suriin ng City Epidemiological Surveillance Unit ang isang pasyente kung mayroon ba itong close contact sa isang positibo sa COVID-19, may history of travel, OFW, high risk group katulad ng Senior Citizens na may iba pang sakit, mga pasyenteng may trangkaso at mga frontliner.
Aniya ang mga suspected COVID – 19 na pasyente ay bibigyan ng iskedyul sa pagpunta sa nasabing swabbing/testing booth at bukas ito mula Lunes at Martes lamang. (MDCT/MGE/PIA 2-Isabela)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments