PUERTO PRINCESA, Palawan, Hun. 28 (PIA) -- Pinalabas na kahapon mula sa isolation facility ng Puerto Princesa ang tatlong kauna-unahang gumaling sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Ito ay matapos na i-deklara ng Incident Management Team (IMT) ng lungsod na ligtas na sa COVID-19 ang isang Returning Overseas Filipino (ROF) at dalawang Locally Stranded Individuals (LSI) na naunang nakumpirmang positibo sa COVID-19 sa siyudad sa kasagsagan ng pagpapauwi sa mga stranded sa Kamaynilaan.
Ayon kay Dr. Dean Palanca, commander ng City IMT, gumaling na ang mga ito sapagkat nalagpasan nila ang 14-araw na sila ay naging asymptomatic o hindi nakitaan ng sintomas ng sakit, batay na rin sa pamantayan ng Department of Health (DOH).
Samantala, bago inilabas sa pasilidad ang mga ito, nagkaroon muna ng seremonya kung saan ginawaran sila ng clearance certificate mula sa IMT. (LBD/PIAMIMAROPA)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments