Tagalog News: 5 lugar may moratorium sa pagpapauwi ng LSIs

MANILA, June 30 (PIA) -- Inanunsyo ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque sa virtual press briefing sa Malacañang  nung Lunes, Hunyo 29  ang mga lugar na may moratorium sa pagpapauwi ng locally stranded individuals (LSIs).

Ayon kay Secretary Roque base sa pagpupulong ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases ang mga sumusunod na lugar ang aprubado ng IATF na may moratorium sa pagpapauwi ng LSIs: ang buong Kanlurang Visayas (Region 6) ang buong Cebu Island, Mactan, Silangang Visayas (Region 8), at Caraga Administrative Region (CARAGA).

Ayon kay Secretary Roque, nagkaroon ng moratorium sa mga lugar na ito dahil sa kakulangan na ng espasyo para sa mga pasilidad pangkwarantina sa mga rehiyong ito.

“Wala na po silang lugar para mag-quarantine, lalo na po sa Caraga” ani Secretary Roque.

Ang Cebu Island at Mactan naman ay may moratorium dahil ito ay nasa ilalim pa ng enhanced community quarantine.

Idiniin ni Secretary Roque  na ang moratorium ay hindi nationwide at nilinaw ang protokol sa pagpapauwi ng LSIs.

“Yung nabalitang bapor na papunta po Dumaguete at ng Zamboanga na naantala ang pag-alis dahil wala raw PCR results, maglalayag na po yan. Hindi po nirerequire ang PCR,” ani Spokesperson Roque.

 “Ang ating protokol pa rin po ngayon ay health certificate dito po kung manggaling sa Manila at pagdating po sa probinsya, bigyan ng PCR kung meron, kung wala, i-quarantine ng 14 days,” ayon pa kay Secretary Roque. (JAMT/PIA-IDPD)

 

 

 



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments