Tagalog News: Bagong kaso ng COVID-19 sa Los Baños, muling naitala 

LOS BAÑOS, Laguna, Hunyo 29 (PIA)-- Ilang linggo matapos ideklara ng lokal na pamahalaan ng Los Baños na COVID-free na ang kanilang bayan ay muli nakapagtala ng panibagong kaso ng COVID-19 sa lugar.
 
Mahigit dalawang linggo na ang nakalipas ng inanunsyo ng lokal na pamahalaan ng Los Baños sa mga mamamayan nito na COVID-free na ang naturang bayan ngunit dahil hindi pa natatapos ang laban kontra COVD-19, isa sa residente nito ang nagpositibo sa sakit.
 
Kinilala ang pasyente bilang si LB-C48, ongoing o active case, isang lalaki na edad 45 at mula sa Barangay Batong Malake. 
 
Kasalukuyang nasa 48 na ang mga pasyenteng nagpositibo sa sakit mula sa bayan ng Los Baños, ang 43 ay idineklarang magaling na at naka-recover na samantalang ang 4 sa mga biktima ay pumanaw na dahil sa sakit.
 
Ang kasalukuyang tala ng lokal na pamahalaan ay may bilang na 15 sa suspect case at 55 naman ang probable case sa naturang lugar. 
 
Upang mas maging malinaw, ilan sa klasispikasyon ng "suspect case" ayon sa Department of Health (DOH) ay isang tao na may malubhang sakit sa baga, lagnat na 38°C pataas, ubo o sakit sa lalamunan, hirap sa paghinga o mga pasyenteng nakatira o mula sa isang lugar na may ongoing at positive case sa nakalipas na 14 days, may exposure sa isang probable o confirmed case.
 
Ang mga nakakatanda o may edad 60 pataas ay kabilang sa suspect case gayundin ang mga taong may ibang iniindang karamdaman, maselang nagbubuntis at pati na rin ang mga health workers.  
 
Sa kabilang banda ang "probable case" naman ay mga indibidwal na suspect case at sumailalim sa testing ngunit hindi pa tiyak ang resulta gayundin ay isang suspect case na positibo sa COVID ngunit ang pagsusuri ay hindi isinagawa sa isang national o subnational na reference laboratory o officially accredited laboratory. (CO/PIA4A)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments