Tagalog News: Mga taong may COVID-19 na kusang loob na lumapit at nakipagtulungan sa otoridad, mga bayani - Mayor Chipeco

LUNGSOD NG CALAMBA, Laguna, Hunyo 29 (PIA)—Sinabi kamakailan ni Calamba City Mayor Justin Atty. Justin Marc SB. Chipeco na maituturing na mga bayani ang mga taong may COVID-19 na kusang loob na lumapit sa mga otoridad upang mapagkalooban ng karampatang atensiyong medikal.
 
“Ang mga taong tinamaan ng Covid na kusang loob na nagpapacheck, hindi tinatago ang kanilang nararamdaman, at nakikipagtulungan sa ating mga Health Frontliners ay karapat dapat din nating ituring na bayani,” ani Mayor Chipeco sa kanyang FB post.

Ayon pa sa Alkalde, “Hindi po nila ito kagustuhan so please, let us not discriminate them.”
 
Nakiusap din si Chipeco sa kanyang mga nasasakupan na magsabi kung may nararamdaman.
 
“Pakiusap po namin sa inyo, if kayo po mismo ay may nararamdaman, magsabi po kayo,” sabi ni Mayor Chipeco.
 
Inihayag din ng Punonglungsod na may nakalaang pondo ang pamahalaang lungsod para sa medikal na pagngangailangan ng residenteng dinapuan ng COVID-19.
 
“May pondo ho tayo para ipatest kayo at iquarantine kayo sa ating Isolation Facility, if kailangan na i-ospital, dadalhin po natin sa ospital, basta makipagtulungan po kayo. Maaari nyo pong ipagbigay alam sa inyong mga Barangay Officials and health workers,” pahayag ni Mayor Chipeco.
 
“At para po sa lahat, gawin din po natin ang sarili nating obligasyon. Let us all follow the health protocols set by the government,” pagbibigay diin niya. 
 
Samantala, base sa inilabas na COVID-19 update ng Calamba City Health Office (CCHO), alas-3 ng hapon ng Hunyo 28, 2020 may kabuuang 70 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa buong lungsod ng Calamba. 

Sa nabanggit na bilang ng kumpirmadong kaso, may 20 ang active, 47 ang recovered, at tatlo ang pumanaw na.
 
Muli ding nagpa-alala ang CCHO sa mga residente na manatili sa kanya-kanyang tahanan. (CPGonzaga, PIA-4A at ulat mula sa Atty. Justin Marc SB. Chipeco FB Page)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments