LUNGSOD NG BUTUAN, Hunyo 2 (PIA) -- Kinumpirma ng Department of Health (DOH) Caraga ang tatlong bagong kaso ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa Caraga region.
Ang mga pasyente ay 26 na taong gulang, lalaki, at residente ng Butuan City; 41 na taong gulang, lalaki, at 37 na taong gulang, lalaki, parehong nakatira sa probinsya ng Agusan del Sur.
Kabilang sila sa mga Returning Overseas Filipinos (ROFs) and Locally Stranded Individuals (LSIs) na nakarating sa Caraga region noong Mayo.
Lahat ng pasyente ay walang pre-existing medical conditions. Nananatiling asymptomatic ang mga ito at nasa stable ang kalagayan.
Ayon sa provincial government ng Agusan del Sur, ang 37-year-old ay isang ROF na galing sa Estados Unidos at nakarating sa Maynila noong Abril 24. Nagnegatibo ito sa confirmatory test noong May 3. Nakarating siya sa Nasipit Port sa Agusan del Norte noong May 24.
Ang 41-year-old ay isang LSI na galing sa Cagayan de Oro City. Nakarating ito sa naturang probinsya noong May 22.
Isinailalim na ang dalawang pasyente sa strict facility quarantine. Nasa isang isolation facility sa munisipyo ng San Fransisco ang ROF habang tinutukoy pa ang residency ng LSI kung kaya’t inilagay na muna siya sa provincial quarantine facility.
“Nagsagawa na kami ng contact tracing at nagbigay-alam na din kami sa mga kinauukulang mga indibidwal at mga opisyales ng LGUs,” sabi ni Jacqueline Momville, Provincial Health Officer of Agusan del Sur, sa isang virtual press briefing sa pamamagitan ng PTV Agusan del Sur noong Linggo.
Ang 26 na taong gulang na pasyente ay kasalukuyang nasa strict facility quarantine sa Butuan City.
Patuloy ang koordinasyon ng mga otoridad at ng DOH Caraga sa pagsasagawa ng contact tracing at pagmonitor ng iba pang ROFs at LSIs na kasalukuyang nasa rehiyon.
Puspusan din ang paghahanda sa pagdating ng mga susunod pang batches ng mga indibidwal na uuwi sa Caraga. Nakatakdang umuwi ang 700 Caraganons na nastranded sa Metro Manila ngayong Hunyo 2.
Bago pa maitala ang mga naturang kaso, may limang confirmed cases ang rehiyon. Apat dito ang nakarecover na habang ang isa ay isinasailalim pa sa strict facility quarantine. Sumatotal, walo na ang kaso ng COVID-19 sa Caraga region. (DMNR/PIACaraga)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments