LUNGSOD CALOOCAN, Hulyo 31 (PIA) --Apat na araw na puspusang training ang isinagawa para sanayin ang may 400 contact tracers sa lungsod ng Caloocan.
Ang pagsasanay na ginanap noong July 21, 22, 23 at 27 ay dinaluhan ng mga bagong contact tracers tulad ng psychologists, encoders at volunteers mula sa iba’t-ibang departamento; mga dentista at nurses na nakatalaga sa health centers; at mga BHERTs (Barangay Health Emergency Response Team) na galing sa hanay ng mga barangay.
Tinuruan ang 400 na bagong contact tracers kung paano ang tamang pakikipag usap o pag-iinterview sa mga residente ng Caloocan na nag positibo mula sa Covid-19.
Pangunahing trabaho ng mga contact tracer ang hanapin ang mga nakasalamuha ng mga positbo saCOVID-19 sa lungsod at alamin ang mga naging aktibidad ng mga ito mula sa araw na siya ay nakaramdam ng sintomas o mula sa araw na siya ay sumailalim sa swab testing.
"Ang agresibong contact tracing ay ating isinasagawa dahil isa ito sa mga susi para mabilis na matukoy ang mga nakasalamuha ng mga pasyenteng may COVID-19 nang sa gayon ay mapigilan ang pagkalat nito," pahayag ni Mayor Oca Malapitan
Ayon sa punong lungsod, ang mga taong nakasalamuha ng mga nagpositibo sa sakit o tinatawag na “close contact” ay sasailalim din sa agarang swab testing. Ang swab testing ang ibinibigay ng libre sa mga residente ng Caloocan upang masiguro na hindi na kakalat pa at maipapasa pa ang virus sa mas maraming tao. (PIO Caloocan/PIA-NCR)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments