Tagalog News: Pamahalaang lungsod ng Batangas, magpapatupad ng paghihigpit sa mga residente

LUNGSOD NG BATANGAS, Hulyo 10 (PIA) --Muling magpapatupad ng paghihigpit ang pamahalaang lungsod ng Batangas sa mga residente na lalabas sa kanilang mga tirahan.

Sa panayam kay Mayor Beverley Rose Dimacuha, sinabi nito na matapos maideklara sa ilalim ng Modified General Community Quarantine (MGCQ) ang lungsod, napansin nila ang sobrang dami ng taong lumalabas lalo na ang matatanda at mga bata.
 
“Nang ipatupad po ang MGCQ dito sa ating lungsod, makikita natin ang biglang pagdami ng tao sa labas, ang iba nga po makikita natin sa mga malls, senior citizen man o mga bata, siguro nasabik po talaga silang lumabas dahil sa tagal ng lockdown ngunit nakikiusap po ako sa publiko na sumunod sa mga panuntunan ng ating pamahalaan dahil hindi na po ito biro. Malaki na po ang gastos ng pamahalaan at pagod na din po ang ating mga frontliners bukod sa sila din mismo ay nagiging biktima ng virus na ito. Sana po makinig tayo at huwag maging matigas ang ulo,” ani Dimacuha.
 
Buhat ng magluwag ang pagkilos ng mga tao, kapansin-pansin na lalong dumami ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa lungsod.  Noong Hulyo 8, 2020 ay may 11 na namang nadagdag sa kaso kung saan ang walo dito ay mga frontliners.
 
Bunsod nito, muling magpapatupad ng paggamit ng quarantine pass (QP) ang pamahalaang lungsod na nakapaloob sa Executive Order No. 31 na nilagdaan ni Mayor Dimacuha.
 
Bawat pamilya ay bibigyan ng bagong QP na magagamit mula Lunes hanggang Biyernes. Ito ay transferrable sa ibang miyembro ng pamilya maliban sa mga ipinagbabawal na lumabas tulad ng 20 pababa at 60 pataas, mga buntis at persons with disabilities na may co-morbidities.
 
Ang mga APOR o Authorized Persons Outside of Residence na may ID, certification of registration of business, work permit, certificate of employment at mga driver ng public utility vehicles (PUV) ay hindi na kailangang gumamit ng QP.
 
Binigyang-diin ng punonglunsod na kailangang seryosohin ng publiko ang problemang pangkalusugan na kinakaharap hindi lamang ng lunsod kundi ng buong mundo. Aniya, kapag patuloy sa paglabag sa panuntunan ang mga tao, mas lalong malaki ang epekto nito sa hinaharap. (BHABY P. DE CASTRO-PIA Batangas)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments