TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Aug. 16 (PIA) - - Nagsimula na sa operasyon ang Corona Virus Disease 2019 (COVID-19) Molecular Testing Laboratory ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) matapos pumasa sa pagsusuri ng Department of Health (DOH) at ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM).
Ayon kay Dr. Glenn Matthew Baggao, medical center chief, mayroon itong dalawang RT-PCR machines na siyang ginagamit na sa pagsusuri ng mga specimen sample habang karagdagang isa pa ang inaasahang darating mula sa DOH central office.
"We are expecting na mapapadali na ang turn-over ng mga results natin at mapapadali na rin ang pag-identify kung sino ang mga dapat gamutin at i-confine", pahayag ni Dr. Baggao.
Ayon pa sa kaniya, 24/7 ang magiging operasyon ng laboratoryo upang mapagsilbihan nito hindi lamang ang mga lalawigan sa Lambak Cagayan kundi patin narin ang mga karatig probinsiya sa Cordillera.
Ito na ang ikalawang COVID-19 testing laboratory sa rehiyon dos na sumunod sa Gene Expert Machine ng DOH region 2.
Samantala, pumalo na sa 514 ang kabuuang positibong kaso ng COVID-19 na naitala ng DOH region 2 kung saan 505 rito ang aktwal na kaso ng rehiyon dos samantalang ang siyam ay naitala para sa National Capital Region.
Ayon kay Dr. Rio Magpantay, regional director ng DOH region 2, pinakamarami pa rin sa mga nagpositibong kaso sa rehiyon ay mga locally stranded individual (LSI) at returning overseas Filipinos (ROFs).
Gayonman, inihayag nito na tumataas na rin ang naitatalang local transmission sa rehiyon kung kaya hinigpitan na ang pagpapatupad ng 14-day quarantine sa mga LSI at ROF.
"Lahat ng mga LSI at ROF ay dapat tapusin ang 14-day quarantine sa mga quarantine facility kahit negatibo sila sa rapid test. Kahit asymptomatic sila ay pwede silang makapanghawa sa pamilya nila," pahayag ni Director Magpantay.
Iniutos na rin nito ang mahigpit na pagpapatupad ng panuntunang inilatag na Infectious Disease Prevention and Control Measures sa mga pasilidad kasunod ng pagtaas din ng bilang ng mga health worker at mga natatrabaho sa mga quarantine facility na nahahawa ng virus. (MDCT/OTB/PIA-Cagayan)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments