LUNGSOD NG LUCENA, Quezon, Agosto 17 (PIA)--Nagkaloob kamakailan ng libreng bakuna o influenza vaccine immunization ang pamahalaang panlalawigan ng Quezon sa mga kawani ng pamahalaang lunsod ng Lucena gayundin sa mga opisyales ng barangay na idinaos sa Quezon Convention Center.
Ayon sa Quezon Public Information Office, layunin ng programang ito na mapangalagaan ang kalusugan ng nasabing mga kawani at mga opisyal ng barangay sa lungsod ng Lucena sa gitna ng nararanasang pandemya dulot ng COVID-19.
Sinabi ni Governor Danilo Suarez na sa panahong ito ay kailangan ang tinatawag na "sharing buddy" na handang dumamay o tumulong sa taong may pinagdadaanan o problema kagaya ng problemang pangkalusugan o sa pag-aaral. Aniya siya na ang bahala at kailangan lang na lumapit sa kanyang tanggapan ang taong nangangailangan ng tulong upang matugunan.
Nanawagan naman si Lucena City Mayor Roderick Alcala sa mga lokal na residente ng lungsod na magkaroon ng kooperasyon at disiplina upang malampasan ang pandemya.
Nagpasalamat din ang alkalde sa pamahalaang panlalawigan sa tulong na ipinagkaloob sa mga kawani at maging sa mga opoisyales ng barangay na nabigyan ng libreng bakuna kontra sa mga sakit.
Magsasagawa rin ng libreng bakuna ang pamahalaaang panlalawigan sa mga bayan ng Sariaya, Gumaca at iba pang bayan sa lalawigan ng Quezon sa mga susunod na araw. (Ruel Orinday- PIA-Quezon with report from Quezon PIO)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments