CABUYAO CITY, Laguna, Agosto 17 (PIA) — Tiniyak ng National Task Force Against COVID-19 ang pagpapatayo ng karagdagang quarantine facilities para sa mga pasyenteng tinamaan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa lalawigan ng Laguna.
Sa pagbisita ng NTF Against COVID-19 at Coordinated Operations to Defeat Epidemic (CODE) Team sa lungsod ng Cabuyao nitong Sabado, Agosto 15, sinabi ni NTF Deputy Chief Implementer at Testing Czar Secretary Vince Dizon na simula ngayong linggo ay sisimulan na nilang i-convert ang Cabuyao Athletes School bilang karagdagang isolation facility sa lungsod.
Ayon sa kalihim, ang isasaayos na isolation facility ay para sa mga asymptomatic at mga pasyenteng mayroong mild symptoms ng COVID-19.
Aniya, ito ay isasagawa sa tulong ng Department of Public Works and Highways sa pakikipagtulungan ng pamahalaang lungsod ng Cabuyao.
Nangako din si Secretary Dizon na magbibigay ang NTF ng mga kinakailangang kagamitan tulad ng medical equipment at medical supplies sa pamahalaang lungsod ng Cabuyao na makatutulong para labanan ang COVID-19.
Binigyang diin naman ng kalihim ang pagkakaroon ng isang sistema para sa mas maigting na koordinasyon sa pagitan ng mga pribadong kumpanya at lokal na pamahalaan para mas maayos na matugunan ang COVID-19 pandemic.
“Kailangan po in place ang ating mga sistema simula sa private companies, local government unit, hanggang sa level ng barangays. At bibigyan po ng national government ang local government ng kagamitan para labanan ang COVID-19,” pahayag ni Secretary Dizon.
Nangako din ang kalihim na magpapatuloy ang NTF sa pagbuo ng mga angkop na inisyatiba para matiyak ang kapakanan ng mga tinatawag na vulnerable sectors.
Tiwala naman si Secretary Dizon na sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan at iba pang sektor ay ganap na maipapatupad ang mga istratehiyang nakapaloob sa National Action Plan ng pamahalaan laban sa COVID-19.
Nitong Sabado, Agosto 15 ay nagtungo ang NTF at CODE Team kasama si Presidential Communications Secretary Martin Andanar sa lungsod ng San Pablo at Cabuyao upang ilatag ang mga rekomendasyon at istratehiyang makakatulong para mapigilan ang patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19. (FSC)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments