DepEd-SDO Quirino handa na sa pagbubukas ng SY 2020-2021

CABARROGUIS, Quirino, Aug. 21 (PIA)—Siniguro ng Department of Education-Schools Division Office dito sa lalawigan ang kahandaan ng mga paaralan, guro, mag-aaral at mga magulang sa pagbubukas ng klase sa darating na ika-lima ng Oktubre. 

Ayon kay Curriculum Implementation Division (CID) Chief George Saddul, patapos na ang pag-print sa Self Learning Modules at dahil naiurong ang pagbubukas ng pasukan ay may sapat pang oras para sa pagsasanay ng mga guro hinggil sa paggamit iba’t ibang modality sa pagtuturo.

“Ikinagagalak po naming ipaalam sa ating mga kailyan na ang buong CID ay masigasig at buong pwersang sumusubaybay at nagsusuri sa lahat ng paghahanda na ginagawa ng ating mga paaralan, katulad ng pag-imprenta ng mga module sa lahat ng subjets mula kinder hanggang 12th grade,” ayon pa kay Saddul.

Aniya, kung mayroon pang ibang preferences ang mga guro ay pwede pang ipasok bagama’t nakapag-print na. Walang aniyang epekto kahit na magpalit sila ng pamamaraan ng modality ay hindi makakaapekto sa mag-print ng modules.

“Mabibigyan lahat ng mga mag-aaral  kahit na anong modality pa ang gagamitin kung hindi man po kumpleto ang kanilang mga module ay mayroong mga karagdagang mga aklat at reference material na ibibigay sa kanila,” ani Saddul.

Ayon pa sa CID chief, gagamitin ang iba’t ibang learning modality gaya ng modular, blended, distance, audio-visual, radio based instruction at online.

Patuloy din aniya ang pagsasanay ng mga guro sa pagututuro gamit ng iba’t ibang paraan ng pagtuturo at pagsasanay ng mga magulang sa paggabay ng kanilang mga anak at  ito sinusubaybayan.

Sa panig naman ng Alternative Learning System ay patuloy rin ang paghahanda para makumpleto ang mga module lalung-lalo na ang Learning Strand Four o ang tinatawag na life and career skills na assignment  ng SDO Quirino  para mabuo ang  modules sa lahat ng anim na learning strands at ma-imprenta ang mga kulang na modules bago magpasukan.

Patuloy din ang pagbibigay ng technical assistance sa Learning Resource Management System na bahagi ng CID sa paggawa ng mga module, at pati na rin ang paggawa ng lahat ng mga instructional material na kakailanganin sa pasukan.

“Lahat ng kahandaang ito ay ipinagpapatuloy hanggang sa pagbubukas ng klase, sa katuyan po ay kung natuloy lang sana ang opening ngayong Agosto 24 ay handa na po sana, advance na, makukumpleto na sana pero na-postpone ito, ibig sabihin mas lalo pa tayong magkakaroon ng panahon para maging handing-handa na pagdating ng oktubre 5,” ayon pa kay Saddul. (MDCT/TCB/PIA 2-Quirino)

 



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments