Caloocan LGU, Pure-Ride Ph, lumagda ng MOA para sa oportunidad sa trabaho

          Caloocan City Mayor Oscar 'Oca' Malapitan (Photo credit: PIO Caloocan)

LUNGSOD CALOOCAN, Agosto 21 (PIA) -- Oportunidad at trabaho ngayong may pandemya ang naghihintay para sa mga mamamayan ng Caloocan matapos lumagda sa isang Memorandum of Agreement o MOA si Mayor Oca Malapitan at ang Pure-Ride Phils.

Ayon may Mayor Oca, layunin nito na mabigyan ng alternatibong pagkukunan ng ikabubuhay ang mga pamilya na pinakanaapektuhan ng pandemyang dulot ng COVID-19, sa pamamagitan ng pagbibigay ng trabaho sa delivery service.

Ang Pure-Ride na isang online delivery platform ay magbibigay ng madali, ligtas, mabilis, at pinakamurang halaga na delivery service sa lahat ng uri ng pangangailangan kabilang ang pagkain, mga dokumento at iba pa.

Sa ilalim ng kasunduan, kokolekta lamang ang Pure-Ride ng P1.00 kada delivery habang ang nalalabi sa delivery fee ay mapupunta na sa makukuhang delivery partner.

"Walang tigil ang inyong lokal na pamahalaan sa paggawa ng mga pamamaraan para matugunan ang pangangailangan ng mga residente ng Caloocan lalo na iyong mga nawalan ng hanapbuhay ngayong panahon ng pandemya," pahayag ni Mayor Oca.

Sa kasunduan ay nakalagay din na kailangan lamang na makatugon ang aplikante sa mga kuwalipikasyon kabilang ang:

• 21 – 59 taong gulang

• mayroon at marunong gumamit ng smartphone

• mayroong motorcycle, tricycle, jeep, o kotse na maaaring gamiting para mag-deliver

• residente ng Caloocan

Anu-ano ang mga requirement?

A. PARTNER:

• ID photo on white background

• Valid driver’s license/ Official Receipt (OR) galing LTO

• Valid NBI Clearance

• Barangay Certification of Good Moral Character

• Tax Identification Number (TIN) o Income Tax Return (ITR)

• Kung ang sasakyan ay hindi nakarehistro sa iyong pangalan, maaaring magdala ng Notarized Special Power of Attorney granted by the owner

B. VEHICLE:

• Ang sasakyan ay nasa maayos na kondisyln

• May Comprehensive Vehicle Insurance / Third Party Liability (TPL) Insurance

• May Original Receipt (OR) / Certificate of Registration (CR) or Sales Invoice and Delivery Note of the Vehicle

• Larawan ng sasakyan: Front, Left, Right and Rear Views

Para sa mga nais mag-apply o may iba pang katanungan, makipag-ugnayan sa Caloocan City Public Employment and Services Office na may numerong 288-88-11 loc 2245. (Caloocan PIO/PIA-NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments