TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Aug. 18 (PIA) - - Siniguro ng Kagawaran ng Edukasyon sa Lambak Cagayan na ipagpapatuloy ng mga guro ang kanilang pag-iimprenta at pamamahagi ng mga modyul sa mga mag-aaral sa kabila ng muling pagpapaliban sa araw ng pagsisimula ng klase.
Inihayag ni Regional Director Estela Carino na lahat ng kanilang itinakdang gawin para sana sa pagsisimula ng pasukan sa Agosto 24 ay dapat tapusin upang wala nang magiging aberya sa Oktubre 5 na siyang muling itinakdang araw ng pagbubukas ng pasukan.
"Bagamat handa na ang karamihan sa ating mga eskwelahan ay mas makakabuti ang pagpapaliban dito mas magkakaroon ng sapat pang panahon ang mga guro para mapaghandaan ang kanilang mga istratehiya sa pagpapatupad ng mga bagong learning modality dahil hindi pa talaga pwede ang face-to-face," ani Cariño.
Siniguro rin ni Carino na mabubuo pa rin ang mga dapat na bilang ng pasukan kahit ilang beses nang iniurong ang pagsisimula nito.
Aniya maaring magtakda ang mga guro ng mga kaparaan para matapos ang mga leksiyon ng mga estudyante tulad na lamang ng pagkakaroon ng klase sa mga araw ng sabado at linggo kung sakaling papayag ang mga mag-aaral at mga magulang.
"Gayonman, kailangan din nating irespeto at isaalang-alang ang sitwasyon ng mga bata. May mga bata kasi na hindi pwede kapag sabado o linggo dahil sa kanilang mga relihiyon o may mga mahalagang gawain," dagdag pa ng direktor.
Sa ngayon, hinikayat ni Cariño ang mga hindi pa nagpapa-enrol na magpalista na sa kanilang mga eskwelahan upang maiwasan ang paghahabol ng oras kapag nagsimula na ang klase at upang maihanda narin ng mga guro ang kanilang mga modyul at mga materyal na ibibigay.
Sa ngayon ay umabot na sa 738, 385 na mga mag-aaral ang naka-ernrol sa buong rehiyon o 91.04 porsyento kung ikukumpara sa nakaraang bilang mga estudyante. (MDCT/OTB/PIA-Cagayan)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments