Sa gitna ng pandemyang dulot ng COVID-19, mahigpit na iminumungkahi ng Department of Health (DOH), World Health Organization at ng United Nation’s Children Fund (UNICEF) ang pagpapasuso ng ina sa kaniyang sanggol na anak.
Gayundin, mahigpit ang apela ng mga ahensiya sa publiko na tumulong sa pagsusulong, pagtaguyod at pagbigay suporta sa gawaing ito lalo na’t ito’y may kaugnayan sa pagdiriwang ng “National Breastfeeding Awareness Month” ngayong buwan ng Agosto.
Ang ”Breastfeeding Awareness Month” ay naglalayong pukawin ang kamalayan ng publiko sa kahalagahan ng gatas ng Ina at ang kahalagahan ng pagpapasuso sa gitna ng naranasan nating pandemya ng COVID-19.
Sa taong ito nakatuon sa temang “I-BIDA ang Pagpapasuso Tungo sa Wais at Malusog na Pamayanan!” ang gawain at aktibidad na nauukol sa pagdiriwang.
Pinapaiigting nito ang kahalagahan ng pagpapasuso lalo na ngayong dinaranas di lamang ng bansa kundi ng buong mundo ang pandemyang hatid ng COVID-19.
Malaking hamon kung paano mapo protektahan ang mga sanggol sa virus ng COVID-19. Subalit, ayon sa WHO at UNICEF, mas mainam na gatas ng Ina ang ibigay sa mga sanggol dahil taglay nito ang ang tamang nutrisyon na maaaring maging panlaban sa COVID-19, at sa pamamagitan nito’y maiiwasan ang malnutrisyon at ang matagalang maaaring maging epektong idudulot nito.
Ayon sa Kalihim ng Kagawaran ng Kalusugan, Francisco Duque III, ang gatas ng Ina ang pinakakumpletong pagkain at sustenableng nutrisyon para sa sanggol sa loob ng anim na buwan ng kaniyang pagsilang.
”Sa naranasan nating pandemya ngayon, hindi dapat mag-alala ang mga magulang sa pagpapasuso. Ugaliin lamang gawin ang infection prevention and control upang ligtas si Baby, “ pahayag Duque.
Likidong ginto ang turing sa kolustrum na unang dumadaloy sa dibdib ng ina sa loob ng 24 oras pagkatapos manganak, dahil taglay nito ang mg antibodies at white blood cells na mahalagang proteksyon para sa sanggol.
Mataas din ang taglay nitong protina, at may mataas na secretory immunoglobulin na tumutulong sa paglaban sa mga virus at bacteria.
Tunay na kayamanan ang likidong bumubukal sa dibdib ng isang Ina dahil magandang kalusugan ng isip at katawan ang ibinibigay nito sa sanggol at maging sa kanyang sarili.
Ang gatas ng Ina ay umaangkop sa pangangailangan ng katawan ng sanggol. Ang anti-bodies na taglay nito ay nagbibigay sa sanggol ng immunity sa mga sakit hanggang anim na buwan.
Mahalagang sa loob ng anim na buwan mula sa pagsilang, tnging gatas lamang ng Ina ang ibigay sa sanggol dahil sapat sa kanyang pangangailan ang sustansiyang taglay nito
Matapos ang anim na buwan maaari nang dadagdagan ng complementary o pantulong na pagkain na solid food ang ibibigay sa sanggol.
Ayon sa mga pag-aaral, nakatutulong ang gatas ng Ina sa cognitive development at central nervous system ng sanggol. Nakakapagdulot din ito ng magandang relasyon ng mag-ina dahil sa skin to skin contact na nangyayari tuwing sumususo ang sanggol sa kanyang ina.
Ang yakap ng ina, ang mukha ng sanggol na panatag sa pagsuso ay mga sandaling kagyat na nagpapakalma sa bawat isa at nagdudulot ng higit na pagmamahal.
Marami pang magagandang bagay ang dulot ang pagpapasuso ng gatas ng Ina sa kanyang sanggol. Nakatutulong ito upang maging malakas at matalino ang sanggol dahil nakatutulong ito sa cognitive development at central nervous system ng sanggol.
Nakatutulong din ito sa mental health ng mag-ina dahil kakaibang ligayang nadarama ng mag-ina tuwing nagpapasuso. Ayon sa pag-aaral, may kaugnayan ito sa hormone na nakapagbabawas ng depresyon, pagkabahala at pagkabalisa ng Ina at nakatutulong sa mental development ng sanggol upang maging matatag sa buhay sa hinaharap.
Ayon sa WHO, nakatutulong din ang pagpapasuso upang makaiwas sa ovarian at breast cancer at pinabababa din nito ang tiyansa na magkaroon ng osteoporosis sa hinaharap at iba pang sakit o kondisyon gaya ng type 2 diabetes, hypertension, rheumatoid arthritis.
Maliban sa mga nabanggit, itinuturing na natural na kontraseptibo ang pagpapasuso sa sanggol dahil nagagawa nitong mapatigil ang pagdating ng buwanang dalaw o menstruation ng Ina.
Subalit, mahigpit na paalala sa mga inang nagpapasuso na higit na pag iingat din ang kailangan upang hindi magkasakit ang sanggol ngayong may pandemya ng COVID-19, kabilang na ang pagpapanatili ng malinis na kapaligiran, gayundin ng katawan.
Bago at matapos hawakan ang sanggol, hugasang mabuti ang kamay at suso, magsuot ng face mask at kung sakaling maubo o mabahin, gawin sa tisyu na dapat itapon nang maayos, kung sa damit naman, kaagad labhan.
“Malakas ang proteksyong ibinibigay ng gatas ng ina laban sa mga nakahahawang sakit na maaaring mahadlangan sa pamamagitan ng direktang transfer ng antibodies at iba pang anti-infective factors,” pahayag ni Dr. Rabi Abeyasinghe, WHO Representative sa Pilipinas.
Aniya pa, “Mahalagang masegurong tanging ibigay sa sanggol ang gatas ng ina sa loob ng anim na buwan nang kaniyang pagsilang na may kasamang pag-iingat para maiwasan makuha ang nakahahawang sakit.”
Paglilinaw ng WHO, hanggang sa ngayon, ang COVID-19 ay hindi pa nakita sa gatas ng ina na kumpirmadong may sakit nito. Patuloy pa rin ang ginagawang mga pag-aaral at wala pang nakikitang ebidensiya na naipapasa ng ina ang kanyang sakit sa sanggol kung ito ay nagpapasuso. (PIA-NCR)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

0 Comments